‘Paglaya’ ni Napoles ikinabahala ng solon
MANILA, Philippines – Ikinabahala ni ACT-CIS partylist Rep. Eric Go Yap ang umano’y pagkakasama ng pangalan ni Janet Napoles sa listahan ng mga posibleng makalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
Ayon kay Yap, noong una niyang nabasa ang tungkol kay Napoles ay inakala niya itong fake news subalit mas ikinabahala niya ang posibleng may nangyayari na GTCA for sale sa Bureau of Corrections (BuCor).
Giit ng kongresista, hindi sapat na tinanggal lang sa serbisyo ang mga opisyal nito sa halip ay dapat na patuloy na gumulong ang pagdinig tungkol sa GCTA mess na kinakaharap ng BuCor.
Dahil dito kaya pormal na maghahain si Yap ng “House Bill defining good conduct and providing conditions in the grant of GCTA” na mag-aamyenda sa Article 97 ng Revised Penal Code at binago ng RA 10592.
Nangako naman ang mambabatas na patuloy na babantayan ang nasabing kontrobersiya at hindi tatalikod sa nasimulan na pagtutol sa pag-abuso sa batas na magpapalaya sa mga katulad ni Napoles.
- Latest