2 piso kada straw panukala
MANILA, Philippines — Umiwas sa paggamit ng straw o magbayad ng P2.00 para rito.
Ito ang nakasaad sa panukala ni Sen. Sonny Angara na nagtatakda ng “plastic straw fee” sa lahat ng mga establisimyentong nagbebenta ng inumin, maging supermarkets o sari-sari stores.
Sakop din ng batas ang mga pre-packed na inumin tulad ng juice boxes kung saan kadalasan ay may kasamang plastic straw.
Ayon kay Angara, ang Senate Bill 954 o Straw Regulation Act ay naglalayong mabago ang pananaw ng mga mamimili at maging ang nakagawiang kalakaran ng manufacturers at commercial establishments ng pagbibigay ng straw para maprotektahan ang kalikasan.
Sa ilalim ng batas, hindi na aniya dapat nakakabit sa produkto ang straw at sa halip ay iaalok lamang sa customer sa halagang P2.00.
Mainam din aniya na mag-isip ng bagong packaging ang mga manufacturer ng inumin para di na mangailangan pa ng straw.
Paliwanag ni Angara, mas mainam ito kaysa tuluyang ipagbawal ang paggamit ng plastic straws. Ilang lugar sa bansa ang nagpapatupad na ng pagbabawal sa paggamit ng mga plastic na produkto, kabilang ang bag at straw, sa ilalim ng mga ordinansa.
Hindi naman saklaw nito ang plastic straws o tubes para sa medical purposes o ‘yung mga ginagamit ng senior citizens, persons with disabilities, mga indibidwal na limitado ang galaw dahil sa stroke, arthritis at iba pang kondisyong medikal.
Base sa report, ang Pilipinas ay nasa ikatlong ranggo sa buong mundo bilang source ng itinapong plastic na napupunta naman sa dagat.
- Latest