Faeldon sibak na sa BuCor
MANILA, Philippines – “Dapat umalis si Faeldon dahil sinuway niya ang utos ko.”
Ito ang isang pahayag kagabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na nag-utos kay Bureau of Corrections Director Nicanor Faeldon na magbitiw sa tungkulin kasunod ng kontrobersya sa pagpapalaya sa mga convicts sa pamamagitan ng Good Conduct Time Allowance (GCTA).
“Ipinasya ko kagabi at ang utos ko ay hinihingi ko ang kagyat na pagbibitiw ni Faeldon,” wika ni Pangulong Duterte sa Malacañang reporters sa ipinatawag na biglaang pulong-balitaan sa Palasyo kagabi.
Iniutos din ng Pangulo sa Office of the Ombudsman ang pagsasagawa nito ng imbestigasyon sa BuCor.
“Galit ako. Gusto ko sila patayin (mga convicts) pero walang opportunity,” dagdag ng Pangulo.
Pinasusuko din ng Pangulo ang mga maling napalayang preso sa pamamagitan ng GCTA sa loob ng 15 araw.
Nais din ng Pangulo na magreport sa kanya at kay Justice Secretary Menardo Guevarra ang lahat ng prison officials.
Nauna rito, ilang senador sa pangunguna ni Sen. Manny Pacquiao ang naggiit kahapon na dapat maghain ng leave of absence si Faeldon habang iniimbestigahan ang pag-abuso sa Republic Act 10592 (ang batas tungkol sa good conduct time allowance) na naging dahilan upang maagang makalaya ang maraming preso na naharap sa heinous crimes.
Sinabi ni Pacquiao na, bagaman naniniwala pa rin siya sa integridad at katapatan ni Faeldon, dapat magkaroon ng isang malalimang imbestigasyon tungkol sa kontrobersiya at makakatulong kung magbabakasyon muna si Faeldon.
Sang-ayon sa mungkahi ni Pacquiao si Sen. Juan Miguel Zubiri.
Sinabi naman ni Senator Sonny Angara na mas makakabuting pakinggan ni Faeldon ang payo ni Pacquiao lalo pa’t marami ang naeskandalo nang muntik nang makalaya si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.
Sina Senators Joel Villanueva at Francisco Pangilinan ay nagpahayag namang dapat nang magbitiw sa puwesto si Faeldon dahil maliwanag na nagkaroon ng kapalpakan sa GCTA. Malou Escudero
- Latest