'Liwayway' lalong nag-ibayo, naging tropical storm
MANILA, Philippines — Pasado alas-otso ng umaga, lumakas at naging tropical storm ang bagyong Liwayway, ayon sa press briefing ng PAGASA ngayong alas-onse.
Namataan ang bagyo 340 kilometro silangan hilagangsilangan ng Daet, Camarines Norte kaninang alas-diyes ng umaga at kumikilos pa-hilagangkanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.
May taglay itong hangin na aabot sa 65 kilometro kada oras malapit sa gitna at pabugsu-bugsong hangin na 80 kilometro kada oras.
"Pansinin po natin 'yung makapal na kaulapan na directly associated with bagyong Liwayway, ay umaabot na nga dito sa ilang bahagi ng Luzon at maging dito sa may bandang Eastern Visayas," ani Chris Perez, senior weather specialist ng Pagasa.
Dahil sa trough ng bagyong Liwayway, maaaring maranasan ang kalat-kalat na mahihina hanggang katamtamang pag-ulan na may minsan-minsang malalakas na rainshowers:
- rehiyon ng Bicol
- Cagayan (kasama ang Babuyan Islands)
- Batanes
Sa kabila nito, mababa pa naman ang posibilidad na tumama ang bagyo sa kalupaan ng bansa.
Ang hanging Habagat naman, magdadala ng kalat-kalat na mahihina hanggang katamtamang pag-ulan na minsa'y malakas sa:
- Zambales
- Bataan
- Occidental Mindoro
- Palawan
- Western Visayas
Hindi pa gaano ramdam ang hanging Habagat sa Kamaynilaan.
"Within today until tomorrow, inaasahan na generally magiging bahagyang maulap hanggang sa maulap ang mga kalangitan dito sa Metro Manila at may posibilidad din ng light to moderate rainshowers... and some isolated thunderstorms," dagdag ni Perez.
- Latest