Sanchez dapat lalaya sa August 20
MANILA, Philippines – Pinatutsadahan kahapon ni Sen. Panfilo Lacson si Bureau of Corrections chief Nicanor Faeldon sa gitna ng isyu tungkol sa muntik nang paglaya ni dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez.
Nabunyag na may release order na para kay Sanchez na ang petsa ay August 20 pero hindi ito natuloy makaraang mapabalita ito sa media.
Iginiit ni Lacson na mukhang mula sa pagpapalabas ng mga smuggled goods sa Customs, ngayon naman ay pagpapalabas ng mga convicts sa BuCor ang nangyayari.
Kaya tanong ni Lacson, kung nalipat na ba ang “tara system” mula sa Bureau of Customs na dating pinamumunuan ni Faeldon, sa BuCor kung saan siya ang head sa ngayon.
Matatandaang napalitan sa Customs si Faeldon matapos makalusot sa ahensiya ang multi-bilyong pisong halaga ng shabu at nabulgar na patuloy na umiiral na “tara system.”
Sinabi naman ni Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon na kung hindi naireport ng media malamang ay nakalaya na si Sanchez.
Ayon pa kay Drilon, pagtutuunan nila ng pansin sa isasagawang pagdinig ng Senado kung paano kinu-compute ang good conduct allowance at kung paanong si Sanchez ay kinunsidera na nakapagsilbi na ng katumbas sa 49 na taon sa bilangguan.
- Latest