Signal No. 2 itinaas sa 6 na lugar; Bagyong Jenny lalong bumilis
MANILA, Philippines — Mula sa tatlong lalawigan, anim na lugar na ang nasa ilalim ng tropical cyclone wind Signal No. 2 sa patuloy na pagpaparamdam ni bagyong Jenny sa bansa, ayon sa pinakahuling ulat ng PAGASA.
Namataan ang tropical storm Jenny 290 kilometro silangan ng Infanta, Quezon kaninang 4 p.m.
Taglay nito ang hanging may lakas na 65 kilometro kada oras malapit sa gitna na may pabugsu-bugsong hangin na aabot sa 80 kilometro kada oras.
Mula 25, bumilis din ang andar ng bagyo patungong 35 kilometro kada oras pa-kanluran hilagangkanluran.
Narito ang mga nasa ilalim ng Signal No. 2:
- Isabela
- Aurora
- Quirino
- Nueva Vizcaya
- Ifugao
- Mountain Province
Nagbabala naman ang PAGASA sa magiging epekto nito sa mga sumusunod na lugar, na pwedeng makaranas ng malalakas na ihip ng hangin.
"Mapaminsala na ho 'yon at hindi po tayo pwedeng maging kampante," babala ni Loriedin Dela Cruz.
Samanta, Signal No. 1 naman sa:
- Cagayan
- Apayao
- Abra
- Kalinga
- Benguet
- Ilocos Norte
- Ilocos Sur
- La Union
- Pangasinan
- Nueva Ecija
- Tarlac
- Zambales
- Bataan
- Pampanga
- Bulacan
- Metro Manila
- Rizal
- hilagang bahagi ng Quezon kasama ang Polillo Islands at Alabat Island
- Cavite
- Laguna
- Camarines Norte
- hilagangsilangang bahagi ng Camarines Sur
- Catanduanes
Maaaring makaranas ng mga pabugsu-bugsong hanging sa mga nabanggit na lugar sa taas.
Klinaro naman ng PAGASA na wala pa rin sa kalupaan ang bagyong Jenny at nasa gitna pa rin ng dagat.
"Ine-expect natin, magla-landfall ito dito sa Central Luzon, particularly ho ine-expect natin sa Aurora province between 9pm tonight at 1 a.m. tomorrow early morning," sabi ni dela Cruz.
"Hindi pa man nagla-landfall itong bagyo, nakakaranas na ho ng malalakas na pag-ulan, maging mga gusty winds ang ilang bahagi ng Northern Luzon, Cagayan Valley Region, Cordillera, maging sa Central Luzon ho 'yan."
Dahil sa bagyo, napalalakas din ang southwest monsoon o Hanging Habagat na magpapaulan sa Southern Luzon maging sa Kabisayaan.
- Latest