^

Bansa

Negros 'kill list' vs mga iniuugnay sa NPA kinundena sa Senado

James Relativo - Philstar.com
Negros 'kill list' vs mga iniuugnay sa NPA kinundena sa Senado
Lumalabas kasi na lima sa 16 nasa listahan ang napatay na, kabilang ang isang human rights lawyer, pagbabahagi ng Philippine National Police sa pagdinig ng Senado ngayong Martes.
Released

MANILA, Philippines — Ikinabahala ng mga senador ang pagpapakalat ng listahan ng grupong Kawsa Guihulnganon Batok Kumunista (Kagubak) na direktang nagbabanta sa buhay ng ilang personalidad kasunod ng kaliwa't kanang patayan sa isla ng Negros nitong mga nagdaang buwan.

Lumalabas kasi na lima sa 16 nasa listahan ang napatay na, kabilang ang isang human rights lawyer, pagbabahagi ng Philippine National Police sa pagdinig ng Senado ngayong Martes.

Kasama sa listahan ang abogadong si Anthony Trinidad, na pinagbabaril nitong Hulyo sa Guihulngan City, Negros Oriental.

Kinastigo ni Sen. Risa Hontiveros ang listahan ng grupo, na ipinakakalat lang daw basta-basta sa Negros.

"'Yang mga Kagubak na 'yan, dapat talaga hindi pinapayagang kumilos, hindi pinapayagang gumawa ng listahan, hindi pinapayagang pumatay ng mga tao sa listahan, even bismirching their reputation," ayon kay Sen. Risa Hontiveros sa kanina.

"Freely daw pong ikinakalat 'yung mga leaflet na 'yan noong Kagubak na 'yan, 'yung kanilang deadly na listahan."

Anti-communist hit-list?

Una nang isinapubliko ng grupong Defend Negros # Stop the Attacks Network ang nasabing listahan, na naglalaman ng mga nasabing pangalan:

  • Rose Sancelan (alyas JB Regalado)
  • Jessica Villarmente
  • Carlos Villarmente
  • Allen Alvarez
  • Marilous Alangilan
  • Noning Estrada
  • Amy Rabor
  • Josephine Saguran
  • Brix Nuevo
  • Mario "Marok" Ricablanca
  • Heidi malalay Flores
  • Roberto Caday
  • Allan Archebuche
  • Anthony Trinidad
  • Boy Litong (at kanyang anak na "SPARU" member)

Ayon kay PLTCOL Bonifacio Tecson ng PNP, kasama na sa mga namamatay sa listahan sina Trinidad, Caday, Flores si Litong at kanyang anak.

Sa listahan, na nakasulat sa wikang Bisaya-Cebuano, sinasabi na "hindi na sila makakaabot ng 2018 [nang buhay] kahit sila'y magtago."

"Ito ang mga pangalan ng mga promoprotekta sa NPA sa lungsod natin ng Guihulngan na pumatay ng mga inosenteng magsasaka at sibilyan," paliwanag ng listahan.

Kung isasalin sa wikang Inggles, nangangahulugan ng "Cause of Guihulnganon Against Communism" ang grupong Kagubak. Nakatala rin sa listahan ang ilang diumano'y biktima ng NPA.

Hindi rin napigilan nina Hontiveros at Sen. Ronald "Bato" dela Rosa, dating hepe ng PNP, na manggalaiti dahil hindi raw kilala ng pulisiya at ng lokal na gobyerno ng Guihulngan ang Kagubak.

"Isipin mo, libreng-libre sila magpalabas ng hit list na ganoon? Sino sila para maggawa ng ganun? At papatayin pa?" sabi ni Dela Rosa, na chair ng komite.

'EJK tumaas dahil sa MO 32'

Ayon sa grupong Defend Negros #StopTheAttacks Network, umabot na sa 87 sibilyan ang napapatay sa isla ng Negros simula nang maupo si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinasabing nasa 42 sibilyan pa lang daw ang  napapatay nitong Nobyembre 2018.

Nitong Hulyo, 21 ang napatay sa loob lamang ng 10 araw — kabilang ang isang taong-gulang sanggol.

Hindi naman ikinatuwa ni Ariel Casilao, convenor ng Defend Negros Network, ang halos pagdoble ng EJK sa lugar.

"Bakit wala tayong naririnig tungkol sa pananagutan ng pulis at militar sa Senate procedings na ito?" tanong ni Casilao sa Inggles, na dating kinatawan ng Anakpawis party-list.

Giit pa ng grupo, umakyat ng 350% ang pagsirit ng extrajudicial killngs sa isla simula nang ipatupad ng Memorandum Order 32 sa Negros, Samar at Bikol.

Nanindigan din sina Casilao na ang SEMPO o Synchronized Enhanced Managing Police Operations ang kumitil sa buhay ng 20 sibilyan.

Bahagi ng SEMPO ang Oplan Sauron 1 at Oplan Sauron 2 ng PNP, na nauna nang ikinamatay ng mga sinasabing ilang magsasaka sa isla. 

Kwinestyon din ni dating Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo, convenor din ng grupo kung bakit wala sa pagdinig ang mga kamag-anak ng mga namatay sa Oplan Sauron noong Disyembre at Marso.

"Bakit walang kinatawan ang mga organisasyong pinanggalingan nila? Hindi ba't karamihan sa kanila ay mga organisadong pesante, aktibista at human rights defenders?" ani Taguiwalo.

Humingi ng proteksyon sa PNP nang buhay pa

Samantala, umamin naman si Tecson na una nang lumapit sa kanya ang ilang personalidad na nasa listahan.

"Halos magkapareho 'yung ano nila sir, salita, na hindi sila supporters ng NPA. And then nagpa-blotter sila, considering na natakot sila na mamatay sila," wika ng pulis.

Ilan sa mga humingi ng tulong ay sina Trinidad, ang dalawang Villarmente, Flores, Alvarez at Sancelan. 

Hindi raw sila agad nabigyan ng proteksyon dahil "mauubos" daw ang kanilang mga pulis.

Nanawagan na rin si Dela Rosa sa Commission on Human Rights na magpadala ng mga dagdag na tauhan sa Negros sa pag-asang mababawasan ang pagpatay doon. — may mga ulat mula sa News5

ACTIVISM

AYIK CASILAO

DEATH THREAT

JUDY TAGUIWALO

NEGROS ORIENTAL

RISA HONTIVEROS

RONALD DELA ROSA

SENATE

VIGILANTE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with