‘Noy absent sa death anniversary ni Ninoy
MANILA, Philippines — Nabigo si dating Pangulong Benigno Aquino III sa seremonyas ng paggunita sa ika-36 na anibersaryo ng pagkamatay ng ama niyang si dating Benigno Aquino Jr. dahil mayroon siyang sakit, ayon sa kapatid niyang actress-host na si Kris Aquino.
Sa panayam sa Manila Memorial Park, sinabi ng aktres na hindi niya hayagang masasabi sa publiko kung ano ang sakit ng kanyang kapatid.
“May sakit siya. Hindi siya okay. Wala ako sa lugar para masabi kung ano ang diperensiya sa kanya dahil nasa kanya iyon,” patungkol ng batang Aquino sa 59-anyos niyang kapatid.
Noong panahon ng kanyang pagkapangulo, hayag na malakas manigarilyo si Aquino at nagkaroon ng mga tsismis hinggil sa kanyang kalusugan.
Sa pagpapahiwatig ng pamahiin, ibinahagi ni Kris na ninerbiyos siya noong Martes ng gabi nang masira ang suot niyang pulseras.
“But kinabahan ako kagabi dahil nagsusuot ako ng isang bracelet, hindi ako makakilos, nasira iyong bracelet,” sabi niya sa mga pamilya, kaibigan at supporter.
Binanggit niya na hindi madali ang nagdaang tatlong taon mula nang matapos ang termino ng kanyang kapatid.
“So, um, these 3 years have been tough on him. I’m sure dad will forgive me if I make this about Noy. Hindi dapat kinu-crucify ang naging mabuting tao (Someone who has been good should not be crucified),” sabi niya.
Nahaharap si Aquino sa ilang mga kaso kabilang ang hinggil sa disbursement acceleration program at sa dengvaxia vaccine at sa SAF 44 sa Mamasapano.
- Latest