Duterte kinilala ang sakripisyo ni Ninoy sa 'pagbabalik ng demokrasya'
MANILA, Philippines — Sinariwa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ala-ala't legasiya ni Benigno "Ninoy" Aquino ngayong araw sa pagdiriwang ng Ninoy Aquino Day.
'Yan ay kahit una nang sinabi ni Duterte na "very good" ang martial law ng diktador na si Ferdinand Marcos, na kilalang karibal ni Aquino sa pulitika.
"Ngayong araw, inaalala natin ang importanteng papel ni Benigno S. Aquino, Jr. sa pagbabalik ng mga demokratikong institution mahigit tatlong dekada na ang nakararaan," sabi ni Duterte sa isang pahayag sa Inggles.
READ: President Duterte's message for Ninoy Aquino Day @PhilippineStar @PhilstarNews pic.twitter.com/mFFk49haKY
— Alexis B. Romero (@alexisbromero) August 21, 2019
"Binago ng kanyang mga sakripisyo ang landas ng bansa at nagpapatuloy na sinisilaban ang kabayanihan ng taumbnayan."
Dagdag ng presidente, nawa'y maging tanda ang araw na ito ng pangakong proprotektahan ang mga kalayaang nararanasan ng mga Pilipino.
Sana raw ay mahimok ng "remarkable" na buhay ni Ninoy ang mga kapwa niya opisyal ng gobyerno na maglingkod nang may dangal at integridad.
"Sana'y gabayan tayo ng kanyang halimbawa upang iangat at protektahan ang mga pinakabulnerable sa ating lipunan at siguruhing makikinabang ang mga Pilipino sa kalayaan, demokrasya at rule of law."
PDP-Laban, Ninoy at Marcos
Samantala, matatandaang sinuportahan ni Digong ang senatorial candidacy ni Imee Marcos, anak ni Ferdinand, nitong nakaraang 2019 midterm elections.
Tumakbo ang nakababatang Marcos bilang guest candid'ate sa ilalim ng Partido Demokratikos Pilipino–Lakas ng Bayan, na partidong pulitikal ni Duterte.
Itinayo ni Aquino ang Laban, na 'di lumaon ay nakipag-kaisa sa PDP ni Aquilino "Nene" Pimentel Jr.
Pormal na naging PDP-Laban ang grupo noong 1986 at tumakbo sa snap elections laban kay Marcos.
Naging mahalagang lunduyan noon ng paglaban kay Marcos ang nasabing partido, na nakiisa sa nangyaring People Power.
Sa kabila ng lahat ng ito, ginagamit ni Duterte ang katagang "dilawan," kulay na ikinakabit kay Ninoy, bilang atake sa oposisyon at kamag-anakan ni Aquino sa kasalukuyan.
Tulad ni Makoy, kilala rin si Duterte sa pagdedeklara niya ng martial law sa Mindanao. — may mga ulat mula kay Alexis Romero
- Latest