807 na ang namatay sa dengue sa Pilipinas mula Enero
MANILA, Philippines — Inatasan na ng Department of Health ang mga regional directors nito na i-"localize" ang kanilang pamamaraan upang masugpo ang epidemyang nararanasan ng bansa.
Umabot na sa 188,562 na kaso ng dengue ang naitatala mula ika-1 ng Enero hanggang ika-3 ng Agosto batay sa Dengue Surveillance Report na inilabas ng DOH.
Lagpas doble 'yan sa 93,149 kasong naitala sa parehong panahon noong 2018, ayon sa ulat ng The STAR.
Sa bilang na 'yan, 807 ang kumpirmadong patay, na mas mataas sa 497 sa parehong panahon noong 2018.
Ayon kay DOH Undersecretary Eric Domingo, kinakailangang analaisahin ng mga rehiyon, sa pamamagitan ng localization, kung ang mga lugar ay may "clustering," "high attack rate" at "case fatality rate" upang makagawa ng stratehiya.
Nasa ilalim ng epidemic threshold level ang mga sumusunod na lugar:
- Calabarzon
- Mimaropa
- Bicol
- Western Visayas
- Eastern Visayas
- Western Mindanao
- Central Mindanao
- Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao
Natanggal sa listahan ang National Capital region at Ilocos sa mga alert level, ngunit naisama naman ang Caraga.
Paliwanag ni Domingo, mas mababa sa alert level ang bilang ng dengue cases sa NCR at Locos sa linggong saklaw ng ulat.
Karamihan sa mga ito ay edad lima hanggang siyam na taong gulang, na bumubuo ng 43,047 o 23% ng kabuuang bilang.
Samantala, nagdeklara na rin ng state of calamity sa Southern Leyte kaugnay ng dengue.
Reaksyon ng Dengvaxia makers
Sa kabila ng mga debate sa Dengvaxia vaccine, na bakunang pipigil sana sa dengue, binuksan ng Sanofi Pasteur ang linya ng kanilang komunikasyon sa mga Pilipino bunsod ng mga insidente.
"It breaks our hearts to see the situation and that is why we really want to get involved. We need to support the people of this country through different initiatives and one of them being starting with this session," ani Jean-Antoine Sinsou, general manager ng Sanofi Pasteur.
(Nadudurog ang puso namin na makita ang nangyayari at gusto naming makatulong. Kailangan naming suportahan ang mga Pilipino sa pamamagitan ng iba't ibang inisyatiba at isa na rito ay ang pagsisimula ng sesyon na ito.)
Matatandaang tuluyan nang pinagbabawalan ng Food and Drug Administration ang Dengvaxia sa Pilipinas nitong Pebrero matapos nilang bigong makapagsumite ng mga "post-approval commitment documents."
Idinadawit din ng ilang magulang at ng Public Attorney's Office ang Dengvaxia sa pagkamatay ng ilang bata na naturukan nito.
Sa pagbubukas ng kanilang komunikasyon sa publiko, sinabi ni Zinsou na direktang sasagutin ng kanilang medical team ang katanungan ng publiko sa pamamagitan ng kanilang website.
Maliban sa Dengvaxia, tumatanggap din daw sila ng ibang tanong pangkalusugan.
"We saw the direct impact was the drop in the vacination coverage and as a consquence we’ve seen measles outbreaks and lot of kids hosptialized, some kids dying from measles, a preventable disease," sabi ni Zinsou.
(Nakita namin na direktang epekto ito ng pagbaba ng mga nababakunahan at dahil dito nakita natin na dumami ang tigdas, dumami ang naospital, 'yung ibang bata namatay sa measles na kaya namang maagapan.)
Misyon daw ng kanilang kumpanya na walang magdurusa sa mga sakit na kaya namang mapigilan ng mga bakuna. — James Relativo at may mga ulat mula kay Sheila Crisostomo
- Latest