^

Bansa

Colmenares suportado ang DND vs 'panghihimasok' ng 5 Chinese warships

James Relativo - Philstar.com
Colmenares suportado ang DND vs 'panghihimasok' ng 5 Chinese warships
Samantala, iniutos na rin ni Department of Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin na maghain ng diplomatic protest ang bansa kasunod ng aksyon ng Asian giant.
Google Maps

MANILA, Philippines — Bagama't madalas nasa magkabilang-panig pagdating sa pulitika, sinuportahan ni Bayan Muna chair Neri Colmenares si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa kanyang pagtutol sa pagpasok ng mga barkong pandigma ng Tsina sa bandang Tawi-Tawi.

"Matagal na naming kinukundena ang expansionism ng Tsina sa South China Sea, at napapanahon ang pagsasalita ng [Department of National Defense]," sabi ni Colmenares sa isang pahayag sa Inggles Lunes.

"Ang mga tagong intrusions na ito ay banta sa ating pambansang seguridad dahil hindi naman talaga palakaibigan ang Tsina sa kanilang iligal na pag-ookupa sa West Philippine Sea."

Una nang nagpahiwatig si Lorenzana ng kanyang "pagkainis" sa pagpasok ng limang Chinese warships sa Sibutu Straight simula Hulyo nang walang abiso sa gobyerno ng Pilipinas.

Nakatakdang sumama si Lorenzana kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Beijing ngayong buwan at umaasang mapag-uusapan ng Pilipinas at Chinese officials ang isyung ito.

"Sana'y matalakay ito para matapos na, dahil nagtatanong din ang taumbayan kung bakit sila [Chinese warships] nandoon at kami sa Defense Department ay naiirita na dahil hindi nila kami pinapansin," ani Lorenzana. 

Dagdag pa niya, tila nang-aasar ang mga banyaga dahil isinasara raw ng mga vessel ang kanilang Automatic Identification Systems.

Papayagan naman daw ang mga banyaga na dumaan sa lugar kahit hindi magpaalam basta't hindi isasara ang AIS bilang "international passageway" naman daw ito.

Ang presensya ng mga Tsino ay kinumpirma rin ng ilang mangingisda at opisyal ng gobyerno sa Tawi-Tawi.

Ayon sa Western Mindanao Command, dalawang Chinese warships ang namataan sa Sibutu Strait noong nakaraang buwan, habang tatlo naman daw ang nakita noong Agosto.

Hinamon naman ni Colmenares ang Armed Forces of the Philippines na gampanan ang kanilang mandato na depensa ang Pilipinas sa pamamagitan ng pagkundena sa diumano'y "pro-China policy" ng administrasyon.

"Halos isinuko na ni Presidente Duterte ang pag-angkin natin sa West Philippine Sea, na paglabag sa ating Saligang Batas," dagdag ni Colmenares.

Kasalukuyang hindi ginagalaw ang mga Tsinong nangingisda sa loob ng Philippine EEZ kasunod ng verbal agreement ni Duterte at Chinese president Xi Jinping noong 2016.

Sabi ni Colmenares, kung tumindig na raw noon ang AFP laban sa mga polisiya ni Digong ay hindi na raw sana nakapagtatag ng pitong military bases ang Tsina sa mga bahura ng Pilipinas.

Dati nang inirereklamo ang mga Tsino sa pangha-"harass" sa mga Pinoy na nasa laot at pangingisda sa exclusive economic zone ng bansa.

Ang AFP ang nagpapatupad ng military policy ng pamahalaan at mayroon itong chain of command na sinusunod. Hindi pinahihintulutan ang mga kawal ng AFP na salungatin ang utos ng nakatataas.

Protestang diplomatiko

Samantala, iniutos na rin ni Department of Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin na maghain ng diplomatic protest ang bansa kasunod ng aksyon ng Asian giant.

"Magpakawala tayo ng diplomatic protest dahil sa mga barkong pandigma ng Tsina; tama na ang pagiging diplomatiko; sasabihin nating atin 'yon, tapos; trespassing 'yan," sabi niya sa kanyang tweet Lunes ng umaga.

Hindi ito ang unang beses na maghahain ng diplomatic protest ang DFA laban sa panghihimasok ng Tsina.

Pero ayon sa kalihim, hindi raw silang magdadalawang-isip na ulit-ulitin ito.

"Kung ginawa na natin ito dati, magpapakawala uli tayo. Hindi tayo mauubusan, at hindi na tayo maghihintay ng pormal na intel. Secretary of National Defense [na ang nagsabi]. Fire at will."

Nitong Huwebes, matatandaang sinabi ng Palasyo na hindi gawain ng kaibigan ang ginawa ng Tsina.

Ayon naman kay Lt. Gen. Cirilito Sobejana, kumander ng Wesmincom, bagama't hindi naman daw naging "hostile" ang mga ito ay hindi maituturing na inosente ang kanilang gawi.

BAYAN MUNA

CHINA

DELFIN LORENZANA

DEPARTMENT OF NATIONAL DEFENSE

NERI COLMENARES

SIBUTU STRAIT

WARSHIP

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with