Organized Bus Route vs trapik mungkahi
MANILA, Philippines — Para masolusyunan ang matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa Metro Manila, inirekomenda ni dating Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman at ngayon ay Marikina Rep. Bayani Fernando ang muling pagpapatupad ng Organized Bus Route (OBR).
Ayon kay Fernando, mas mainam na balikan at pag-aralan ang mga dating programa ng MMDA para makahanap ng naaangkop na mga istratehiya sa problema ng trapiko sa Metro Manila.
Noong 2003 unang ipinatupad ang organized Edsa bus route at sa ilalim ng sistema ay maglalagay ng pitong istasyon na magsisilbing dispatched area ng mga bus kung saan ang MMDA ang magkokontrol ng lalabas o bibyaheng mga bus.
Ang pagbiyahe ng mga bus ay nakadepende sa dami ng mga pasahero sa Edsa. Sa ganitong paraan umano ay hindi bababad sa Edsa ang mga bus lalo na sa mga oras na wala namang gaanong pasahero.
Paliwanag pa ni Fernando, hindi naman ito ikalulugi ng mga kumpanya ng bus dahil ang limang biyahe ay maaaring maging apat subalit punuan naman ng mga pasahero ang bus.
- Latest