^

Bansa

'End Endo' bill ng Makabayan, paano naiba sa vineto ni Duterte?

James Relativo - Philstar.com
'End Endo' bill ng Makabayan, paano naiba sa vineto ni Duterte?
Kaiba sa Security of Tenure and End of Endo Act of 2018 na vineto ni Pangulong Rodrigo Duterte, tuluyang iba-ban ng House Bill 3381 ang kontraktwalisasyon.
Released/Bayan Muna party-list

MANILA, Philippines — Naghain ng sarili nilang bersyon ng Security of Tenure bill ang mga miyembro ng militanteng Makabayan bloc sa Kamara Lunes.

Ang Security of Tenure bill ay kilala rin sa bansag na 'End Endo' bill.

Nangako ang apat na party-list groups, kabilang ang Bayan Muna, Gabriela, Alliance of Concerned Teachers at Kabataan na magiging "mas malakas" at "maka-manggagawa" ito.

Pero paano ba ito naiba sa naunang panukala na hinarangan ng Malacañang?

Kontraktwalisasyon 'ekis' na

Kaiba sa Security of Tenure and End of Endo Act of 2018 na vineto ni Pangulong Rodrigo Duterte, tuluyang iba-ban ng House Bill 3381 ang kontraktwalisasyon.

Pinahihintulutan pa rin kasi ng naunang panukalang ini-sponsor ni Sen. Joel Villanueva ang "lehitimong contracting at subcontracting," bagay na isinalarawan bilang "malabnaw" ng Bayan Muna.

Kung maisasabatas ang Security of Tenure Bill of 2019 sa Kamara, mari-repeal ang Article 106 ng Labor Code at papalitan ng sumusunod:

"PROHIBITION OF CONTRACTUALIZATION AND FIXED TERM EMPLOYMENT. ALL FORMS OF CONTRACTUALIZATION AND FIXED TERM EMPLOYMENT ARE HEREBY PROHIBITED.  JOB CONTRACTING, OR THE CONTRACTING OUT OF A WORK BY THE PRINCIPAL EMPLOYER TO A CONTRACTOR, MANPOWER AGENCY OR A SIMILAR ANALOGOUS ENTITY, IS HEREBY PROHIBITED."

Maliban dito, ipagbabawal din ng HB 3381 ang "direct hiring" ng kontraktwal na empleyado at manggagawa.

Nasa employer din ang bigat ng pagpapatunay kung hindi kinakailangan o "desirable" sa kanilang negosyo ang trabahong ginagawa.

Sa HB 3381, sinasabing nagkakaroon ng kontraktwalisasyon kapag:

  • nangongontrata ang principal, o employer, mula sa isang contractor, subcontractor, manpower agency, worker's cooperative o kaparehong entity para gampanan o tapusin ang isang trabaho sa loob ng takdang panahon, kahit na nasa loob o labas ito ng "premises" ng principal
  • ang isang tao, partnership, asosasyon o korporasyon ay nangongontrata sa isang contractor, subcontractor, manpower agency, workers' cooperative o kahalintulad na entity para gampanan ang anumang trabaho o proyekto

Mari-repeal din nito ang Article 107, 108 at 109 ng Labor Code.

Sa Section 6 ng panukala, sinasabing merong "employer-employee relationship" kung ang nagtratrabaho ay nasa direktang kontrol at supervision ng employer pagdating sa pamamaraan ng pag-abot/pagtapos ng trabaho

'Probationary, project at seasonal workers'

Sa Section 7 nito, na papalit sa Article 295-B ng Labor Code, sinasabing lahat ng empleyado ay dapat regular maliban sa mga probationary pa:

"ALL EMPLOYEES, EXCEPT THOSE UNDER PROBATIONARY EMPLOYMENT, ARE DEEMED REGULAR, INCLUDING PROJECT AND SEASONAL EMPLOYEES."

Itinuturing din na walang bisa ang anumang employment contract na nililimitaha sa isang takdang panahon. Awtomatikong kikilalanin ang nasabi bilang regular.

Para sa mga "project" at "seasonal" na empleyado, ituturing silang regular habang tumatakbo ang proyekto o "season."

Tinutukoy na project employment ang mga trabahong panandalian lang ang kalikasan at matatapos din. Kailangan ay klinaro rin agad sa empleyado ito bago pa magsimula ang trabaho.

Ang seasonal ay maaari lang ilapat sa mga trabahong agrikultural kung saan nakaasa sa espisipikong panahon ang trabaho.

"IN PROJECT AND SEASONAL EMPLOYMENT, WORKERS ARE CALLED TO WORK FROM TIME TO TIME AND TEMPORARILY LAID-OFF DURING THE COMPLETION OF THE PROJECT OR OFF-SEASON, BUT ARE IN THE WORK POOL ON LEAVE WITH OR WITHOUT PAY STATUS IN BETWEEN PROJECTS OR SEASONS."

Ano ang parusa sa paglabag?

Ayon sa Section 10 ng panukala, maaaring patawan ng multang P1 milyon hanggang P10 milyon ang mga lalabag sa mga probisyon na naisaad.

Pwede rin makulong na 'di bababa sa anim na buwan ngunit hindi tataas sa tatlong taon ang mga lalabag.

Depende sa desisyon ng korte, pwedeng sabay na pagmultahin at makulong ang lalabag.

Pwede ring suspindihin ang permit ng mga lumalabag na negosyo.

"Furthermore, the business permit of the violating corporation or business entity would be suspended for one (1) month to three (3) years for the first offense and the cancellation of the business permit for the second offense."

SOT ni Villanueva ni-refile din sa Senado

Kaiba sa inihain ng Makabayan bloc sa House, inihain naman ni Sen. Villanueva ang kanyang Senate Bill 806 noong ika-29 ng Hulyo.

Kamukha lang daw ito ng Senate Bill 1826/House Bill 6908 na hinarang ni Duterte.

"Parehong-pareho lang ito sa panukalang sinertipikahan bilang 'priority' at 'urgent' ng presidente," sabi ni Villanueva sa mga reporter matapos ihain ang bill.

Hindi ipinagbabawal ng panukala ang job contracting at kontraktwalisasyon, ngunit ipinagbabawal ang "labor-only contracting."

Ang labor-only contracting ay tumutukoy sa:

  • nagsisilbing recruiter lang ng manggagawa ang job contractor para sa contractee, kahit na kulang ang kapital
  • may direktang kaugnayan sa negosyo ng employer ang ginagampanan ng manggagawa
  • kung ang manggagawa ng job contractor ay direktang nasa kontrol at supervision ng contractee

Aabot lang ng P5 milyong multa ang ipapataw sa mga magpapatupad ng labor-only contracting, kaiba sa hanggang P10 milyong multa na nais ipataw ng Makabayan sa mga magsasagawa ng kontraktwalisasyon.

Klinaklasipka rin nito sa apat ang mga manggagawa: regular, probationary, project at seasonal.

Iniuutos ng panukala na bigyan ng parehong karapatan ng mga regular na manggagawa ang mga project at seasonal na trabahante sa panahong tumatakbo pa ang kanilang proyekto sa employer.

Sa veto message ni Duterte, sinabi niyang hinarangan niya ito dahil "sobra-sobra" raw ang pagpapalawig nito sa pakahulugan ng labor-only contracting.

Nauna nang nagrehistro ng agam-agam sa panukala ang National Economic and Development Authority sa pangambang mababawasan ang pamumuhunan at magkukulang ang trabaho sa bansa bunsod nito.

Nanindigan naman ang mga business groups sa kanilang "constitutional right" na mangontrata ng lakas-paggawa.

Sa kabila ng lahat, iginigiit pa rin ng Palasyo na prayoridad pa rin nilang maipasa ang panukala pagdating sa "Endo."

vuukle comment

CONTRACTUALIZATION

ENDO

JOEL VILLANUEVA

LABOR ISSUES

RODRIGO DUTERTE

SECURITY OF TENURE

WORKER'S RIGHTS

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with