Rescue operation sa lumubog na bangka tatapusin na!
Death toll sa Iloilo-Guimaras Strait ibinaba
MANILA, Philippines — Ititigil na ng mga awtoridad sa pangunguna ng Philippine Coast Guard (PCG) ang search, rescue and retrieval operation sa anim pang nawawalang biktima ng tatlong lumubog na bangka sa Iloilo-Guimaras Strait noong Sabado.
Sa panayam sa telepono, sinabi ni Commodore Allan dela Vega, Commander ng PCG Western Visayas, na “So far wala nang nagki-claim na may missing pa silang mga kamag-anak, so posible na nakauwi na ang mga ito.”
Pinakahuling narekober dakong alas-8 ng umaga ay ang biktimang si Romeo Baguio Sr., pasahero ng M/B Jenny Vince matapos maispatan ng PAF rescue team na palutanglutang ang bangkay sa Guimaras Strait.
Ayon sa opisyal kung wala ng naghahanap na mga pamilya sa mga napaulat na anim pang nawawalang biktima ay malamang na ihinto na nila ang search, rescue and retrieval operations sa bahagi ng karagatan na kinalubugan ng tatlong bangka.
Noong Sabado dakong alas-12:15 ng hapon ay lumubog ang M/B Chi Chi at M/B Keziah sa Guimaras-Iloilo Strait sanhi ng malalakas na ihip ng hangin at alon sa bahagi ng nasabing karagatan.
Ang MB/Chi Chi ay may sakay na 43 pasahero at apat na tripulante habang ang M/B Keziah ay may apat na tripulante.
Ang trahedya ay nasundan naman sa paglubog ng M/B Jenny Vince na may sakay na 34 pasahero at limang tripulante na lumubog rin sa bahagi ng nasabing karagatan.
Samantala, makaraang pagtugmain ang kanilang datos at ng sa ibang ahensiya ng pamahalaan, ibinaba ng PCG ang bilang ng nasawi sa trahedya na mula sa 31 ay ginawang 27. Pero dinagdagan ang nawawala na mula sa tatlo ay naging anim.
Ipinaliwanag ni dela Vega na nakakatanggap sila ng mga impormasyon habang ipinagpapatuloy nila ang kanilang search and rescue operation kaya kailangan nilang pagtugmain ang kanilang mga datos at datos ng ibang ahensiya para magkaroon ng iisang set ng figures para sa mga survivor, namatay at nawawala.
- Latest