Martial Law sa Negros ‘di pa irerekomenda – AFP
MANILA, Philippines — Hindi pa irerekomenda ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagdedeklara ng Martial Law (ML) sa Negros Oriental.
Sa tingin ni Lt.Gen. Noel Clement, Chief ng Central Command ng AFP, mula sa kanilang level ay hindi pa ngayon dapat magdeklara ng ML sa naturang lalawigan dahil manageable pa ang sitwasyon.
Sa kabila nito, nilinaw ni Clement na depende pa rin sa Presidente kung gusto talaga niyang mag-impose ng ML subalit sa ngayon ay wala silang balak irekomenda ito bagamat inaasahan naman nila na hihingan sila ng rekomendasyon.
Paliwanag pa ng opisyal, bago magdeklara ng ML dapat ay mayroong rebelyon o insureksyon na sa ngayon ay hindi naman nangyayari sa Negros Oriental bagamat may mga insidente ng patayan.
Sa ngayon ang ginagawa umano nila ay patuloy na nakikipag-usap sa local government units (LGUs) at sa iba pang stakeholders para tugunan ang problema ng patayan sa Negros.
Bukod dito nagdagdag na rin umano ang AFP ng karagdagang tropa sa Negros mula sa 302nd brigade mula sa Zamboanga at isang batalyon mula sa Bohol.
- Latest