^

Bansa

Patayan sa Negros dahil sa MO 32 ng Malacañang, martial law tutulan — KMP

James Relativo - Philstar.com
Patayan sa Negros dahil sa MO 32 ng Malacañang, martial law tutulan — KMP
Kahapon, matatandaang sinabi ng Palasyo na posibleng ideklara ang martial law bilang emergency power kasunod ng paglobo ng patayan sa Negros Oriental simula noong nakaraang linggo.
Released/PCCO

MANILA, Philippines — Isinisi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang kaliwa't kanang patayan sa Isla ng Negros sa ipinatupad na Memorandum Order 32 ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2018.

Kahapon, matatandaang sinabi ng Palasyo na posibleng ideklara ang martial law bilang emergency power kasunod ng paglobo ng patayan sa Negros Oriental simula noong nakaraang linggo.

Pero hindi na raw ito kailangan ayon sa KMP, dahil parang "de facto martial" na raw ang ipinatutupad ng gobyerno roon kasunod ng MO 32 at Executive Order 70.

"Merong 11 regular at espesyal na batalyon ng Armed Forces of the Philippines na itinalaga sa Negros Island. Nagdagdag naman ng 300 tropa ng Special Action Force ang Philippine National Police. Kung 'di 'yon martial law, ewan na lang namin," sabi ni Danilo Ramos, chairperson ng KMP sa isang pahayag Biyernes.

Sa tala ng Defend Negros, nasa 87 magsasaka, human rights defenders at iba pang sibilyan ang namamatay sa Isla ng Negros simula nang maupo si Duterte noong 2016.

Labas sa bilang na 'yan ang apat na pulis na tinambangan ng New People's Army noong ika-18 ng Hulyo, bilang "parusa" sa pagpapatupad ng madugong Oplan Sauron.

Emergency powers

Sinabi kahapon ni presidential spokesperson Salvador Panelo na tanging sa emergency powers lamang, na nasa porma ng pagpapatawag ng AFP o pagpapatupad ng martial law, mapipigilan ang gulo sa Negros.

Ipatutupad na raw ni Duterte ang nasabing kapangyarihan batay daw sa talumpati niya noong Miyerkules.

Kahit na marami nang itinalagang AFP at SAF sa lugar, naninindigan daw si Duterte na hindi sapat ang pwersang iyon para mapigilan ang mga pagpatay.

"Sa pagtataya ng presidente, parang ganoon na nga. Nabanggit niya... na marami ang sumusuporta ngayon sa mga NPA. Pinagsasamantalahan nila ang pagkakagulo ng mga away sa lupa," sabi ni Panelo kahapon.

Nagtuturuan ngayon ang gobyerno at Communist Party of the Philippines, na nangunguna sa NPA, kung sino ang nagpapasimuno ng patayan.

Gayunpaman, marami sa mga napatay sa Negros ay mga kilalang kritiko ng gobyerno.

Ayon naman kay Ramos, nakasentro ang mga deklarasyon ng gobyerno sa kontrainsurhensya laban sa Kaliwa na nagpapatapang daw sa pulis, militar at paramilitar.

"Hindi natin pwedeng hayaan ang Malacañang na gamitin ang sitwasyon sa Negros bilang dahilan para opisyal na ideklara ang martial law sa rehiyon at lalong yurakan ang kanilang karapatan," sabi ni Ramos.

"Nanggagaling ang karahasan ang kawalan ng batas mula sa polisiya mismo ng gobyerno."

Inudyok din ng KMP ang mga lokal na pamahalaan na tumindig laban sa panukalang batas militar.

Sa isang press briefing kahapon, sinabi ni Negros Occidental Gov. Eugenio Jose Lacson na sana'y hindi na humantong sa pagpapatupad ng emergency powers si Duterte.

"Siguro gusto nilang maibalik ang kaayusan sa Negros Oriental... Sana lang ay hindi na 'yon mangyari pa sa isla namin," wika niya sa ulat ng Philippine News Agency.

"Sana hindi na umabot doon. Nagpadala na sila ng 300 SAF."

CHR nabahala sa patayan

Samantala, nagsalita na rin ang Commission on Human Rights patungkol sa karahasang lumalamon sa Negros.

Ayon kay Jacqueline Ann de Guia, tagapagsalita ng CHR, "dumadagdag lang ito sa papalaking bilang ng mga pinapatay sa bansa na dapat maresolba at mabigyang katarungan."

Sa pagpapatindi daw ng imbestigasyon ng PNP, masisiguro raw na hindi nakailangang magpatupad ng "extraordinary measures."

"Sana'y matapos na nito ang usap-usapan ng pangangailangan ng batas militar o anumang emergency power," dagdag ni De Guia.

"Lahat ng motibo ay sinisilip, lalo na't inilulutang na gobyerno at rebeldeng komunista ang nagpapatupad ng patayan."

Hiniling naman ni De Guia na makipagtulungan ang PNP sa CHR investigators para na rin sa impormasyon tungkol sa mga kaso.

Imbestigasyon sa Senado

Naghain na rin ng resolusyon ni Sen. Risa Hontiveros upang maimbestigahan ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs at Committee on Justice ang mga patayan ngayong Hulyo.

"Pinapaslang ang mga magsasaka, lider unyon at sibilyan sa Negros," sabi niya sa kanyang tweet ngayong umaga.

Aniya, hindi raw dapat hayaan na magpatuloy pa ang kultura ng patayan kawalang-pananagutan sa bansa.

"May katungkulan ang Senado na sagutin ang puno't dulo ng tunggalian nang makamit ang katarungan para sa mga naulilang pamilya." — may mga ulat mula sa News5

KILUSANG MAGBUBUKID NG PILIPINAS

MARTIAL LAW

MEMORANDUM ORDER 32

NEGROS ISLAND

NEGROS ORIENTAL

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with