Personal, pampasaherong 'e-trike/bike' bawal muna sa Maynila
MANILA, Philippines — Sinuspindi ng tanggapan ni Manila Mayor Francisco "Isko" Moreno Domagoso ang operasyon ng mga electronic bicycles at tricycles sa Maynila kasunod ng mga kwestyon sa kaligtasan nito Biyernes.
Ang desisyon ay alinsunod daw sa Section 16 ng Local Government Code of 1991, na nagsisiguro sa kaligtasan at kaginhawaan ng mamamayan.
"Their unregulated activity in the streets would necessarily expose the general riding public and pedestrians to danger and vehicular road accidents," ayon sa dokumentong nilagdaan ni Domagoso na ibinahagi sa media.
(Itataya natin sa panganib ang mga pasahero at pedestrian sa peligro sa kalsa kung magpapatuloy na 'di regulated ito.)
Dahil dito, mahigit 100 e-trike units ang in-impound sa parking lot ng Manila Zoo.
Nearly a hundred e-trike units in Manila were impounded at the Manila Zoo's parking lot, amid reports that Mayor Isko Moreno plans to phase out the vehicles to ease traffic in the city. (via @PhilippineStar) pic.twitter.com/xh2hibK3SN
— ONE News PH (@onenewsph) July 26, 2019
Inilabas ng lungsod ang desisyon matapos i-endorso ng Metro Manila Council sa Department of Transportation ang problema hinggil sa electronic vehicles.
E-trike pampasada
Ayon sa Local Government Code, nasa kamay ng Sangguniang Panglungsod ang kapangyarihan ng pagreregula ng mga inuupahang tricycle.
Sabi ni Domagoso, kakailanganin munang kumuha ng prangkisa o lisensya mula sa Sangguniang Panglungsod ang mga nagmamay-ari at nais pumasada gamit ito.
Ngunit nang beripikahin daw nila sa kalihim ng Sangguniang Panglungsod, lumalabas na walang prangkisa ang mga nasabing e-trike na pumapasada.
Dahil dito, wala raw pagkakataon para mainspeksyon ang "road worthiness" ng mga nasabing sasakyan.
"[A]ll e-trike for hire/public conveyance owners and operators [are directed] to temporarily stop their operation pending the consultation with the Sangguniang Panglungsod," dagdag ng alkalde.
(Inuutusan ang lahat ng nagmamay-ari at operator ng mga nasabing e-trike na itigil ang kanilang operasyon bago makunsulta ang Sangguniang Panglungsod.)
Huhulihin at iiimpound naman daw ang mga makikitang lalabag sa kautusan.
Personal na e-bike damay din
Samantala, kasama rin sa ipagbabawal sa kalsada ng Maynila ang mga electronic bikes/trikes na ginagamit para sa pansariling gamit.
Aniya, may ligal na kwestyon pa kung itinuturing na "motor vehicle" ang mga ito, bagay na kailangang isangguni raw sa Land Transportation Office.
Hiling ni mayor Isko, maparehistro muna ang mga ito sa LTO bago payagang tumakbo sa Maynila at Metro Manila.
Dapat din daw alamin ng nasabing tanggapan kung nararapat itong tumakbo sa kalye.
"[I]n order not to expose our general public to accidents caused by these e-trikes/e-bikes, you are directed to inform owners to temporarily stop the use thereof pending reply/clarification from LTO."
(Upang hindi ma-expose ang publiko sa mga aksidenteng dulot ng mga e-trike/e-bike, ipinauutos na natin sa mga nagmamay-ari nito na pansamantalang itigil ang paggamit nito bago makakuha ng tugon sa LTO.) — may mga ulat mula sa The STAR
- Latest