^

Bansa

Bitay gamit ang lubid ay 'barbariko' — De Lima sa hiling ni Duterte

James Relativo - Philstar.com
Bitay gamit ang lubid ay 'barbariko' â De Lima sa hiling ni Duterte
"Ipinakikita lang ng pahayag na ito kung gaano kabarbariko at hindi makatao ang gobyernong ito. Nasa dugo na talaga nila ang pagiging sadista, malupit at marahas," sabi ni De Lima sa Inggles ngayong Biyernes.
Wikimedia Commons/Mehdi Hasan Khan

MANILA, Philippines —  Inirehistro ni Sen. Leila de Lima ang kanyang disgusto pagdating sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na maibalik ang parusang bitay sa bansa.

Ayon kasi kay presidential spokesperson Salvador Panelo nitong Martes, hindi lethal injection o electric chair ang pipiliing paraan ng pangulo: "Aba’y kung tatanungin mo siya, walang gastos eh ano na, lubid."

"Ipinakikita lang ng pahayag na ito kung gaano kabarbariko at hindi makatao ang gobyernong ito. Nasa dugo na talaga nila ang pagiging sadista, malupit at marahas," sabi ni De Lima sa Inggles ngayong Biyernes.

Sa kanyang State of the Nation Address nitong Lunes, maaalalang nanawagan si Duterte sa mga kinatawan ng Kamara at Senado na maibalik ang parusang bitay para sa mga karumal-dumal na krimen.

"Hinihiling ko sa Kongreso na maibalik ang death penalty para sa mga karumal-dumal na krimen na may kaugnayan sa droga at pandarambong," paliwanag ng presidente.

Sinuportahan naman ng Philippine National Police, Office of the Ombudsman at ilang senador ang nais ng presidente.

"Naniniwala ako na malaki ang maitutulong ng tiyak na parusa sa ating kampanya kontra iligal na droga, karumal-dumal na krimen at korapsyon, partikular sa mga tulak ng droga at smuggler," sabi ni Police Gen. Oscar Albayalde patungkol sa panukala.

Ika-24 ng Hunyo taong 2016 nang lagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Republic Act 9346, na tuluyang nagbabawal sa pagpapataw ng parusang kamatayan sa Pilipinas.

'Anti-poor at hindi deterrent sa krimen'

Ayon pa kay De Lima, hindi raw matitiyak ng parusang kamatayan ang pagsasawa ng krimen sa bansa.

"Sinasalamin ng simplistikong pagtingin na ito... ang elitista, kontra-mahirap at misdirected na pananaw," dagdag ng senadora.

Maliban dito, depektibo rin daw ang sistema ng hustisya sa bansa kung kaya't baka mapatay pa ang mga inosente, lalo na yaong mga mahihirap na walang kapasidad depensahan ang sarili nila sa korte.

Ganito rin ang pananaw ni Sen. Richard Gordon noong Lunes.

"[B]akit, nagbago ba ang Amerika? Sila ang pinakamaraming death penalty, hindi naman nagbabago [ang bilang ng krimen]," wika ni Gordon.

Samantala, isa rin ang Pilipinas sa mga bansang nagratipika sa "Second Optional Protocol to the International Covenant on Civil and Political Rights aiming to the abolition of the death penalty," na tratadong nagbabawal sa pagpapataw ng parusang bitay.

Alternatibo sa 'capital punishment' inihain

Ngayong 18th Congress, inihain ni De Lima ang Senate Bill 187, na layong magpataw ng "qualified reclusion perpetua" o "life imprisonment on extraordinary heinous crimes" bilang alternatibo sa panukalang death penalty.

Ilan sa mga sakop nito ang:

  • treason
  • piracy
  • murder
  • infanticide
  • kidnapping and serious illegal detention
  • robbery with violence against or intimidation of persons
  • destructive arson
  • rape
  • plunder  
  • paglabag sa Dangerous Drug Act of 2002

Maliban sa 50 taong pagkakataon na walang parole, papatawan din ng P5 milyon multa ang mga guilty sa mga nasabing karumal-dumal na krimen.

CAPITAL PUNISHMENT

DEATH PENALTY

HANGING

HEINOUS CRIMES

LEILA DE LIMA

RODRIGO DUTERTE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with