Record-high na importasyon ng bigas 'ikamamatay ng lokal na industriya' — grupo
MANILA, Philippines — Umaaray ngayon ang isang rice watch group at ilang magsasaka sa paglobo ng importasyon ng banyagang bigas, bagay na inihalintulad nila sa isang lapida na tanda raw ng naghihingalong industriya.
Ito ang sinabi ng grupong Bantay Bigas matapos iulat na aabot ng 3.1 million metric tons ang iaangkat na bigas ng Pilipinas ngayong 2019, ayon sa United States Department of Agriculture-Foreign Agricultural Service.
Ang bilang na ito ay 63% mas mataas kaysa sa 1.9 milyong MT na ipinasok sa bansa taong 2018.
"The influx of imported rice will worsen the rice crisis as it will destroy self-sufficiency and food security, displace rice farmers, farm workers and even small traders from lands and livelihood," ani Cathy Estavillo, tagapagsalita ng Bantay Bigas.
(Palalalain ng labis na pag-aangkat ang krisis sa bigas sapagkat sisirain nito ang paglikha na sasapat sa sariling pangkonsumo at seguridad sa pagkain, magpapalayas sa mga magsasaka, manggagawang bukid at maging maliliit na negosyante sa mga lupain at kanilang kabuhayan.)
Import liberalization
Pebrero ngayong taon nang kumpirmahin ni presidential spokesperson Salvador Panelo na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rice tariffication law, na nagtatanggal sa "quantitative restrictions" sa pagpapasok ng bigas mula sa ibang bansa kapalit ng taripa.
Layunin ng batas na "solusyunan" ang kakulangan ng bigas, pagbababa ng presyo sa merkado at pagsugpo diumano sa dominasyon ng kartel sa industriya.
Pero kung sina Estavillo ang tatanungin, kasinungalingan daw sabihin na makatutulong ang liberalisasyon sa pamamagitan ng rice tariffication.
"[S]a pangmatagalan, itatransporma nito ang ating lipunan bilang import-dependent (umaasa sa ibang bansa) at dumagdag pa tayo sa pag-undermine ng global food security dahil ang gubyerno mismo ang sumira sa capacity nating mag-produce ng sarili nating pagkain," wika ni Estavillo, na secretary general din ng Amihan, isang samahan ng mga pesanteng kababaihan.
Aniya, kinuha na lang daw sana ang 3.1 milyong MT ng bigas mula sa 300,000 hanggang 460,000 ektarya ng bansa na nakapagbigay pa sana ng trabaho sa milyun-milyong magsasaka sa sektor ng agrikultura.
"But this regime chose the opposite (Pero kabaliktaran ang ginawa ng gobyerno)," dagdag niya.
Mas mura ang foreign rice?
Sa kabila nito, sinabi ng pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies noong 2012 na malayong maabot ng Pilipinas ang rice self-sufficiency hanggang 2020.
Ayon kay PIDS senior fellow Roehlano Briones, mahal ang lokal na rice production kung kaya't "makasasama" raw ang pagharang sa murang imports mula sa ibang bansa.
"Sa madaling sabi: makakamit ang sariling kasapatan sa bigas, kapalit ng lalong pagmahal nito sa pamilihan," ani Briones.
Isinisisi naman ng ilang ekonomista mula sa University of Asia and the Pacific Center for Food and Agribusiness ang patuloy na kahirapan sa kanayunan sa kagustuhan ng Pilipinas na maging autonomous rice producer, sa dahilang "napabababa nito ang kita ng non-rice farmers."
Salungat naman ang pananaw ng IBON Foundation sa PIDS at mga ekseperto mula sa UA&P.
"[O]ne, global rice is not necessarily cheaper (this should be self-explanatory by the narrowness of the market alone), and two, the local market remains dominated by a trading cartel that can impose a higher mark-up depending on the weakness of local production and other supply factors," sabi ni Rosario Bella Guzman, research head ng IBON.
(Una, hindi talaga mas mura ang bigas sa ibang bansa ['di na ito kailangang ipaliwanag pa dahil sa kakitiran ng merkado], at ikalawa, dominado ang lokal na merkado ng trading cartel na nagpapataw ng mas mataas na mark-up depende sa kahinaan ng lokal na produksyon at iba pang salik sa suplay.)
Ayon daw sa datos ng National Food Authority mula 1995 hanggang 2010, mas mataas ang "landed cost" at "wholesale prices" ng imported rice kumpara sa lokal na bigas.
"Indeed global rice has become cheaper due to increased production and exports after the 2008 crisis, but this did not translate to cheaper local prices," patuloy ni Guzman.
(Totoong nagmura ang global rice dahil sa pagtaas ng produksyon at export matapos ang krisis noong 2008, pero hindi ito nangahulugan ng mas murang lokal na presyo.)
Mula 2011 hanggang 2014, napataas din daw ng record increase na smuggled rice ang mga lokal na presyo sa annual average na P1.20 kada kilo.
Bagama't bumaba ang wholesale price (presyong binabayaran ng bultuhan bumili) ng regular at well-milled rice nitong Marso kumpara noong 2018, mas mataas pa rin ngayon ang retail prices (presyong binabayaran ng consumer sa tindahan) kumpara noong nakaraang taon, ayon sa huling tala ng Philippine Statistics Authority.
Kasabay nito, bumabagsak naman daw ang farmgate price (presyong binabayaran sa magsasaka) sa parehong panahon, na umabot daw ng P18.87 kada kilo, o Php1.59 pagbagsak mula Marso 2018.
Bumagsak pa ito lalo sa P18.20 kada kilo ngayong Mayo 2019, ayon sa PSA.
Pagpapalakas ng dayuhang monopolyo?
Ngayong tinanggal na ang restriksyon sa dami ng ipinapasok na bigas, inaakusahan ngayon ng Bantay Bigas at Amihan ang administrasyong Duterte ng pagiging "sunud-sunuran" sa dayuhang monopolyo.
Kanilang ikinatatakot na iaasa na lang ng gobyerno ang pagkakamit ng food security sa ibang bansa habang pinatataba ang bulsa ng mga pribadong trader, bagay na "maglilibing" daw sa Philippine rice industry.
"Ang pagsuko ng gubyerno sa kanyang regulatory power ay kongkreto nang nararanasan at mararanasan pa habang nasa poder si Duterte," dagdagd ni Estavillo.
Hinihiling naman nila na tuluyang marepaso ang RA 11203 at maipasa na ang House Bill 477 o "Rice Industry Development Act" na inihain ng Gabriela Women's Party. — may mga ulat mula sa BusinessWorld at The STAR/Louise Maureen Simeon
- Latest