Kaso ng dengue 86% mas mataas kumpara 2018 sa Region 8 — DOH
MANILA, Philippines — Ikinababahala ngayon ng Department of Health ang biglang-sirit sa bilang ng mga tinatamaan ng sakit na dengue sa Eastern Visayas (Rehiyon 8) ngayong taon, kung saan 19 na ang kumpirmadong namamatay.
Nasa 4,809 na kasi ang naitatalang kaso ng dengue mula ika-1 ng Enero hanggang ika-11 ng Hulyo ngayong taon, mas mataas ng 86% sa 2,590 kaso sa parehong panahon noong 2018.
"We have to heighten active surveillance in all reporting sites," ani John Paul Roca, regional information officer ng DOH, sa panayam ng Philippine News Agency.
(Kailangan nating patindihin ang pagmamanman sa lahat ng lugar na pinag-uulatan.)
Ilan sa mga lugar kung saan may mga namatay na rito ngayong 2019 ay sa Guiuan, Quinapondan, General MacArthur at Hernani sa Eastern Samar; Tacloban City, Baybay City, Burauen, Babatngon, Merida at Mahaplag sa Leyte; Sogod at Macrohon sa Southern Leyte; Kawayan, Biliran; pati sa Calbayog City at Catbalogan City sa probinsya ng Samar.
Tinayak naman ni Roca na wala pang "outbreak" sa rehiyon.
Base sa mga tala ng DOH, 2018 ang may pinakamaraming kaso mula 2010 kung saan 12,000 ang tinamaan ng sakit.
Sa parehong taon, 61 ang naitalang patay sa Eastern Visayas matapos mahawa ang 11,000 katao.
"We have been providing assistance to local government units through massive information drive, assembly of mothers, and conduct misting and fogging activities," dagdag pa ni Roca.
(Nagbibigay pa rin tayo ng tulong sa mga lokal na gobyerno sa pamamahitan ng malawakang information drive, pagpupulong ng mga ina, at pagsasagawa ng mga "misting" at "fogging" activities.)
Iminungkahi naman kahapon ng DOH na agad kumunsulta sa pagamutan ang mga makararanas ng sumusunod kaugnay ng dengue:
- pananakit ng tiyan
- pagsusuka
- pagdurugo sa iba't ibang parte ng katawan tulad ng ilong, gilagid, ihi at "rashe" sa balat
- hindi mapakali o wala sa sarili
Ngayon napapanahon na naman ang dengue, alamin ang mga 'Danger Signs' ng Dengue at agad na kumonsulta sa pinakamalapit na health facility.
— Department of Health (@DOHgov) June 29, 2019
There is no treatment for dengue but early detection saves lives. pic.twitter.com/lzfuLmikWl
- Latest