Diokno 'pwedeng ipa-disbar' kaugnay ng Writ of Kalikasan petition — Gadon
MANILA, Philippines — Maaari raw masuspinde o tuluyang matanggal sa law practice ang abogado na si Manuel "Chel" Diokno patungkol sa kanilang inihaing Writ of Kalikasan sa Korte Suprema para maprotektahan at ma-rehabilitate ang marine environment sa West Philippine Sea.
Dahil daw ito sa "misrepresentation" ng abogado sa mga kliyente na "sumumpang" hindi sila nagbigay pahintulot na maihain ito para sa kanila.
"Halata namang inihain lang 'yan sa ultimong layunin na lumikha ng publicity para magalit ang taumbayan," sabi ng abogadong si Larry Gadon sa Ingles.
"[A]ng malala pa, ginagamit nila ang Kataas-taasang Hukuman para sa pagpapapogi na lubhang nakaiinsulto sa Korte Suprema."
Depensa ni Diokno kahapon, nagtataka sila nang biglang bumaliktad ang mga mangingisdang kliyente sa kaso matapos kausapin ng abogado ng Navy.
"Ginawa nila ito nang merong pagpayag," sabi ni Diokno.
"Ngayon, pagkatapos 'makausap' ng abogado ng Navy, umatras na daw ang mga mangingisda. Hindi raw kanila ang kaso."
Inihalintulad din ni Diokno ang nangyari sa 22 Pilipinong mangingisdang inararo ng Chinese vessel sa West Philippine Sea na nagpalit ng pahayag matapos makipag-closed-door meeting ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol.
"Mukhang na-Recto-22 na naman ang mga Pilipino," pagbibiro niya kahapon.
Sakop sana ng hinihingi nilang Writ of Kalikasan ang Panatag Shoal, Ayungin Shoal at Panganiban Reef (Mischief Reef).
Petisyon kulang sa sustansya?
Kinutya naman ni Gadon ang inihaing petisyon nina Diokno dahil sa diumano'y kalabnawan nito.
"Sa sobrang kulang sa sustansya ng petisyon, magdududa ka kung dekano ba talaga ng law school 'yung naghanda o kung isinulat lang ng first year law student," patuloy ng kontrobersyal na abogado.
Para raw kasing "hindi sapat ang kaalaman' ni Diokno kung paano gumawa ng kasong tama ang porma at substance.
Inaaral pa raw ni Gadon kung siya mismo ang maghahain ng "disbarment case" laban sa progresibong abogado.
"Pinag-iisipan ko pa... Isa pa, equally liable din dito ang Integrated Bar of the Philippines," dagdag niya.
Sina Gadon at Diokno ay parehong tumakbo sa pagkasenador noong 2019 midterm elections, ngunit natalo.
Tumakbo si Gadon, na kilalang loyalista nina dating Pangulong Marcos at Pangulong Rodrigo Duterte, sa ilalim ng partidong Kilusang Bagong Lipunan.
Kasalukuyang humaharap sa batikos si Duterte dahil sa diumano'y malambot niyang tindig kaugnay ng agawan ng Tsina at Pilipinas sa West Philippine Sea.
Kasama naman si Diokno sa ilalim ng opposition coalition na Otso Diretso.
- Latest