93% ng Pinoy sinabing 'importante' mabawi ang mga islang inagaw ng Tsina - SWS
MANILA, Philippines — Nasa 93% ng mga Pilipino ang naniniwalang mahalagang makuha uli ng Pilipinas ang mga islang in-okupa ng Tsina sa West Philippine Sea sa ikalawang kwarto ng 2019, ayon sa ulat ng Social Weather Stations.
Itinanong nila ito sa 1,200 Pilipino edad 18 pataas: "In your opinion, is it important that the control of the islands that China currently occupies in the West Philippine Sea be given back to the Philippines?"
(Sa tingin mo, importante bang maibalik sa Pilipinas ang kontrol ng mga islang inookupa ng Tsina sa West Philippine Sea?)
Narito naman ang mga resulta:
- 74% labis na mahalaga
- 19% medyo mahalaga
- 1% medyo 'di mahalaga
- 1% 'di naman mahalaga
Mas mataas ito (93% mahalaga/medyo mahalaga) sa 89% noong Setyembre 2018 at 87% noong Hunyo 2018.
Tumutukoy ang West Philippine Sea sa exclusive economic zone ng Pilipinas sa kanlurang katubigan ng bansa, bagay na binigyang pakahulugan sa Administrative Order 92 ni dating Pangulong Benigno Aquino III.
Isinagawa ang pag-aaral mula ika-22 hanggang ika-26 ng Hunyo.
Inilabas ang survey matapos ang pamamangga ng Chinese vessel sa 22 mangingisdang Pinoy sa Recto Bank, na nasa loob ng EEZ ng Pilipinas.
Inamin din ng Palasyo na nagkasundo raw sina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping na hindi na gagambalaain ng Tsina ang mga mangingisdang Pinoy sa loob ng West Philippine Sea basta't hahayaan din doon ang mga Tsino.
Taong 2017 nang mamataang nagtayo ng missile shelters, radar at communications facilities at iba pang imprastruktura ang Beijing sa Fiery Cross Reef, Mischief Reef at Subi Reef — mga lugar na inaangkin din ng Maynila.
Naglagay na rin sila ng jamming equipment at missile system doon.
Bagama't inaangkin ng Pilipinas ang "big three" features na nabanggit, na hindi naman talaga isla, tanging ang Mischief Reef ang pasok sa 200 nautical mile EEZ at continental shelf ng Pilipinas. Gayunpaman, sinasabing 12 nautical miles lang ang Subi Reef mula sa Pag-asa Island, na okupado naman ng Pilipinas.
Iniikutan din ng Chinese Coast Guard ang Bajo de Masinloc (Panatag/Scarborough Shoal), na matagal nang pinangingisdaan.
Publiko gustong umaksyon ang gobyerno
Samantala, lumalabas din sa pag-aaral ng SWS na lumalakas ang panawagang manindigan ang pamahalaan.
Sa June 19 survey, 89% ng mga Pilipino ang naniniwalang 'di dapat pabayaan ang Tsina at kanilang mga imprastruktura at presensya sa mga inaangkin ng bansa.
Ito'y pagtaas mula sa 88% noong Disyembre 2018, 84% noong Setyembre 2018 at 81% noong Hunyo 2018.
"Also, 83% said it is right for the government to bring the issue to international organizations, like the United Nations or Association of Southeast Asian Nations, for a diplomatic and peaceful negotiation with China about the claimed territories," dagdag ng SWS.
Ito ay pagtaas mula sa 77% noong Disyembre, 71% noong Setyembre 2018 at 74% noong Hunyo 2018.
84% naman ang nagsasabing tama na makipag-alyansa ang gobyerno sa iba pang mga bansa para matulungan ang Pilipinas na depensahan ang West Philippine Sea.
Bagama't bumaba nang bahagya, 92% ang nagsasabing tama na palakasin ng Pilipinas ang kapasidad niyang militar, lalo na ang Hukbong Data (Navy).
Ginawa ang June 2019 survey sa pamamagitan ng harapang panayam sa tig-300 katao mula sa Kamaynilaan, Balance Luzon, Bisayas at Mindanao.
- Latest