‘Na-Recto 22 na naman’ — Diokno sa pag-atras ng ilang petitioners sa Writ of Kalikasan
MANILA, Philippines — Kahina-hinala raw ang "secret meeting" ng abogado ng Navy kasama ang mga mangingisdang petitioner ng Writ of Kalikasan mula sa Zambales at Palawan, ayon sa human rights lawyer na si Jose Manuel "Chel" Diokno.
“Hindi lang kahina-hinala na patagong nakipag-usap ang gobyerno sa mga kliyente namin, labag din sa legal ethics yan,” sabi niya.
Matapos ang pribadong pag-uusap, umatras kasi ang 19 mangingisda sa petisyon.
“They did this with full knowledge and consent (Ginawa nila ito nang merong pagpayag),” sabi niya, taliwas sa naunang pahayag na ginawa ng lider ng grupo na si Monico Abogado, na niloko lang sila para lumagda ng petisyong kontra sa pamahalaan.
“Ngayon, pagkatapos 'makausap' ng abogado ng Navy, umatras na daw ang mga mangingisda. Hindi raw kanila ang kaso.”
Hinihingi ng Writ of Kalikasan ang pagprotekta sa malusog na kapaligiran. Maaari itong hilingin oras na magdulot ng peligro sa buhay, kalusugan at ari-arian ang mga pinsalang nangyayari sa kalikasan.
Inihain ito ng kanilang grupo kaugnay ng mga pinsalang naidulot ng Tsina sa regional marine environment West Philippine Sea, na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Ani Diokno, isinumite ng mga mangingisda ang petisyon para protektahan ng gobyerno ang lugar upang malayang makapangisda sa sariling katubigan ang mga Pilipino.
Nangyayari ito sa gitna ng hindi pagharang ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pangingisda ng Tsina sa EEZ ng bansa.
'Recto Bank 22 uli'
“Mukhang na-Recto-22 na naman ang mga Pilipino,” pagninilay ni Diokno.
Inalala niya ang kahawig na sitwasyon nang magpalit ang pahayag ng 22 mangingisdang napalubog sa Recto Bank, na nabangga ng Chinese vessel, nang makipag-closed door meeting kay Agriculture Secretary Emmanuel Piñol
Higit sa lahat, nababahala siya para sa kaligtasan ng mga mangingisdang sangkot sa kaso. Nanawagan din siya sa gobyerno na gawin ang mandatong pangalagaan ang mga nasasakupan.
“Pinakita na ng administrasyong Duterte na walang makakapigil sa lakas nito. Sana gamitin nila yan para protektahan ang kapwa Pilipino,” ani Diokno. — Philstar.com intern Gab Alicaya
- Latest