^

Bansa

Bumangga sa 'Recto Bank 22' kakasuhan lang ng 'Pinas kung 'di pananagutin ng Tsina

James Relativo - Philstar.com
Bumangga sa 'Recto Bank 22' kakasuhan lang ng 'Pinas kung 'di pananagutin ng Tsina
"First, sila [Tsina] ang magde-decide niyan. Kasi supposed to be 'yung Chinese vessel under their jurisdiction 'yon eh," ani presidential spokesperson Salvador Panelo.
AFP/Ted Aljibe, File

MANILA, Philippines — Resolbado ang Malacañang na nais nilang mapanagot ang mga Tsino sa Chinese vessel na nakabangga't nakapagpalubog sa F/B GEM-VER 1 na may lulang 22 Pilipino.

Pero ayon kay presidential spokesperson Salvador Panelo, ilalagay muna nila ang hustisiya sa kamay ng kanilang Chinese counterparts.

'Yan ay kahit nangyari ang insidente sa Recto Bank (kilala rin bilang Reed Bank), na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

"First, sila [Tsina] ang magde-decide niyan. Kasi supposed to be 'yung Chinese vessel, under their jurisdiction 'yon eh," ani Panelo Lunes.

Sinabi na raw ng Tsina na handa silang magpataw ng mga parusa oras na mapatunayang nagkasala ang mga Tsinong mangingisda.

Dagdag ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte, parang nabigyan na rin ng hustisya ang mga Pilipinong mangingisda kung maparusahan ang mga nabanggit at masingil ng danyos perwisyos.

Pero oras na hindi raw magawa ito, isa lang daw ang maaaring gawin ng Pilipinas: "[O]h, eh 'di then we will sue them in our jurisdiction."

(Eh 'di ihahabla natin sila sa jurisdiction natin.)

"Pwedeng reckless imprudence resulting [in] serious damage to property and endangering the lives of our countrymen."

'Joint probe,' para saan talaga?

Ayon sa Palasyo, payag sila sa isinasagawang joint investigation ng Pilipinas at Tsina sa naturang kaso.

Nais daw muna nilang ipagkumpara kasi ang findings ng magkabilang bansa patungkol sa nangyari pagdating sa tatlong bagay:

  • detalye ng insidente
  • pananagutan ng Chinese vessel
  • isyu ng compensation

Oras na magkaiba raw ang resulta ng imbestigasyon ng dalawang bansa, pag-uusapan daw nila kung paano pagtatagpuin ang mga discrepancy.

Nang tanungin si Panelo kung igigiit nilang mapanagot ang bumangga sa mga Pinoy, ito ang kanyang sinabi: "Oh, definitely (Sigurado 'yan)."

Matatandaan na una nang tinutulan ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang nasabing joint probe.

"There will be NO joint investigation. China and Philippines will conduct their respective investigations," ani Locsin.

(Hindi magkakaroon ng magkasamang imbestigasyon. Gagawa ang Tsina at Pilipinas ng hiwalay na pagsisiyasat.)

Sa kabila ng pagtanggi ng DFA sa ideya, iklinaro naman ng Palasyo na tinatanggap na ni Duterte ang joint probe.

"The Palace wishes to inform our people that President Duterte welcomes and accepts the offer of the Chinese Government to conduct a joint investigation to determine what really transpired in Recto Bank and find a satisfactory closure to this episode," wika ng Malacañang.

(Nais ipabatid ng Palasyo sa mga Pilipino na tinatanggap ni Presidente Duterte ang alok ng gobyerno ng Tsina na magsagawa ng joint investigation para malaman kung ano talagang nangyari sa Recto Bank para maisara na ang mga agam-agam sa nangyari.)

Pinalagan na rin nina Senate Minority leader Franklin Drilon at Sen. Francis Pangilinan ang pagbibigay ng "say" sa mga Tsino pagdating sa insidente.

Tsino pwedeng makalusot sa parusa kung...

Samantala, hindi pa naman isinasara ni Panelo ang posibilidad na hindi mapanagot ang mga Tsino sa nangyari.

"[T]here is only one way by which they could justify the abandonment of our fisherfolks. And that is if by so doing, their lives would have been endangered," sabi niya.

(Iisa lang ang makapagbibigay katwiran sa pag-iwan nila sa mga Pilipino sa laot. 'Yan ay kung nailagay sa peligro ang kanilang mga buhay.)

Sa isang pahayag ng embahada ng Tsina, una na nilang iginiit na gusto sanang iligtas ng mga Tsino mula sa Yuemaobinyu 42212 ang mga nadisgrasya ngunit "natakot" ng mapalibutan ng mga Pilipinong bangka na nagkalat daw sa lugar.

Hindi naman kinagat ni Panelo ang palusot na natakot ang mga Tsino para sa kanilang kaligtasan.

"Anong threat? Dahil merong mga bangka roon na nagkalat? Kasi merong 19 yata. Eh ano kung may nagkalat doon? May nakasakay ba doon? Hindi nga nakasakay ang mga Pilipino doon eh. Nakakapit nga doon sa mother vessel eh," paliwanag niya.

"Oh 'di ibig sabihin, as far as I can see, kung ganyan ang nangyari, then there is no threat."

CHINA

RECTO BANK

SALVADOR PANELO

TERRITORIAL DISPUTE

WEST PHILIPPINE SEA

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with