Klase na mas maaga sa 8:30am ibabawal
MANILA, Philippines — Isinusulong ni Bacolod Rep. Greg Gasataya na ipagbawal ang sobrang agang pasok sa eskwela ng mga estudyante.
Sa ilalim ng House Bill No. 569, sinabi ni Gasataya na hindi dapat mas maaga sa 8:30 ng umaga ang klase dahil sa estado ng transportasyon, dami ng workload sa ilalim ng K-12 curriculum, at pahirapang pagpasok sa mga liblib na lugar na hindi anya makabubuti sa kalusugan at kaligtasan ng mga estudyante.
Naniniwala rin ang kongresista na mas dapat bigyang prayoridad ng estado ang health development sa mga paaralan.
Paliwanag pa ni Gasataya na ang sistema sa ibang mga bansa kung saan mas late umanong nagsisimula ang klase habang lumabas din sa ilang pag-aaral na nagpapaganda sa performance ng estudyante ang hindi masyadong maagang klase.
Kung magiging ganap na batas, makatutulong din umano ito sa mga magulang dahil hindi nila kailangang gumising ng sobrang aga para asikasuhin ang mga anak.
Naging inspirasyon umano ni Gasataya ang paghahain ng naturang batas matapos ang serye ng dayalogo sa mga estudyante at mga magulang sa kanyang distrito kaya naniniwala siya na panahon na para ikonsidera ang pag-adjust sa oras ng pasok ng mga estudyante.
- Latest