P1.2 milyon ibinigay ng mga Tsinoy para makumpuni ang bangka ng 'Recto Bank 22'
MANILA, Philippines — Naghandog ng donasyon ngayong Biyernes ang isang grupo ng Filipino-Chinese business group para sa 22 mangingisdang nadisgrasya ng mga Tsino sa Recto Bank noong ika-9 ng Hunyo.
"We at the FFCCCII are donating P1,200,000.00 pesos for the complete rehabilitation of their damaged fishing boat," sabi ni Henry Lim Bon Liong, presidente ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc.
(Kami sa FFCCCII ay maghahandog ng P1,200,000 para sa kumpletong rehabilitasyon ng napinsala nilang bangkang pangisda.)
Aniya, pagpapakita raw ito ng kanilang garang suporta sa mga kababayan at mangingisdang naargabyado sa laot.
Dumalo sa pagtitipon ang may-ari ng bangka na si Felix dela Torre, kapitan ng bangka na si Junel Insigne, cook at mangingisda na si Richard Blaze at mangingisdang si Jaypee Gordiones para tanggapin ang tulong.
Maliban dito, makatatanggap din ng P250,000 livelihood assistance ang 22 mangingisda, na papatak ng P11,363 kung hahati-hatiin sa kanila.
"[A]s a Filipino business and civic organization, we give this assistance to our fellow countrymen in distress... hoping that this humanitarian act can help alleviate their plight," dagdag ni FFCCCII.
(Bilang isang business at civic organization ng mga Pilipino, ibinibigay namin ang tulong na ito sa ating kababayan na naghihikahos... at umaasa kaming mapagagaan nito ang kanilang paghihirap.)
Maglalaan din daw ng pera ang grupo para makapagtayo ng limang gusali sa mga pampublikong paaralan sa San Jose, Occidental Mindoro kung saan nakatira ang 22 mangingisda.
Ika-21 ng Hunyo nang makatanggap ng P50,000 ang bawa't mangingisda mula kay Bise Presidente Leni Robredo bilang tulong pinansyal.
Ipinadaan naman ni dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario ang P500,000 niyang donasyon sa Department of Foreign Affairs ngunit isinaoli ni DFA Secretary Teodoro Locsin Jr.
Nauna nang inireklamo ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas ang mga ibinigay na bangka ng Department of Agriculture dahil hindi raw nito kaya bumiyahe sa mga malalalim na katubigan.
Maliban dito, hindi rin daw akma sa mga fiberglass na bangka ang mga makinang idinonate nila.
P25,000 kada mangingisda naman ang ipinangako ni Agriculture Secretary Manny Piñol ngunit utang ito na kailangang bayaran sa loob ng tatlong taon sa ilalim ng Survival Response Loan Program.
- Latest