^

Bansa

Pagkuha ng selfie '5 beses mas nakamamatay' kaysa shark attacks

Philstar.com
Pagkuha ng selfie '5 beses mas nakamamatay' kaysa shark attacks
Mula Oktubre 2011 hanggang Nobyembre 2017, humigit-kumulang 259 katao na sa buong mundo ang nangamatay dahil sa pagkuha ng selfie, ayon sa Journal of Family Medicine and Primary Care ng India. 
The STAR/Edd Gumban, File

MANILA, Philippines — Mas nakamamatay raw ang pagkuha ng selfie kaysa sa pag-atake ng mga mapanganib na pating.

Mula Oktubre 2011 hanggang Nobyembre 2017, humigit-kumulang 259 katao na sa buong mundo ang nangamatay dahil sa pagkuha ng selfie, ayon sa Journal of Family Medicine and Primary Care ng India. 

Ang bilang na ito ay limang beses na mas mataas sa 50 napatay ng mga pating sa parehong panahon, ayon sa ulat ng Agence France-Presse.

Sa parehong pananaliksik ng journal, mga binata raw ang mas nasa bingit ng kamatayan dahil sa walang habas na pagkuha ng selfie. Karamihan sa mga nangamatay ay 22-anyos. 

Marami ang namamatay dahil nalunod, nahulog, bumagsak at aksidenteng nabaril habang kumukuha ng selfie.

Sa tala naman ng "International Shark Attack File" ng Museo ng Florida, may 66 kumpirmadong "unprovoked attacks" sa buong mundo matapos malapa ng pating noong 2018. 

Paano namamatay?

India ang nangunguna sa mga naitalang kamatayan dulot ng pagseselfie, na nagtala ng 159 pagkasawi. Sa 1.3 bilyon nitong populasyon, 800 milyong katao ang may cellphone. 

Ilan sa biktima sa India ay mga kabataang nasagasaan ng tren o nalunod nang lumubog ang bangkang sinasakyan habang nagse-selfie.

Matapos ang mga insidente, nagpanukala na ang India ng mga “no selfie” zone, kung saan 16 ay matatagpuan sa Lungsod ng Mumbai.

Sumunod naman ang mga bansang Russia na nagtala ng 16 na kamatayan, United States na may 14 kamatayan at Pakistan. 

Karamihan sa mga namatay na Ruso ay dahil sa pagkahulog sa tulay at matataas na gusali, o di kaya’y aksidenteng pagkabaril sa sarili at paghawak ng land mine. 

Noong 2015, nag-abiso na ng gabay ang kapulisan ng Russia sa pagkuha ng selfie na iwas-panganib.

Sa United States, kung saan mainit na usapin pa rin ang kanilang maluwag na panuntunan sa baril, marami ang nangamatay sa aksidenteng pamamarili sa sarili habang kumukuha ng selfie. Sumunod naman ang mga nangamatay habang nagpapalitrato sa Grand Canyon, Arizona.

Sa kabilang banda, humiling naman ang rescue services ng Croatia sa mga turista na tigilan na ang pagkuha ng “estupido at mapanganib” na selfies matapos mahulog ng 75-metro ang isang turistang Canadian sa kalawaan ng Plitvice, Croatia.

Taong 2019 naman nang mahulog sa kanyang kamatayan ang isang Pilipina matapos kumuha ng selfie habang nagha-hiking sa Hong Kong, ayon sa ulat ng South China Morning Post— Philstar.com intern Blanch Marie Ancla

DEATH

SELFIE

SHARK ATTACKS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with