'Militar uli'?: Grupo pinalagan ang paglalagay kay Morales bilang PhilHealth president
MANILA, Philippines — Dismayado ang isang bagitong mambabatas sa bagong itinalagang pinuno ng PhilHealth, isang ahensyang idinadawit sa "ghost dialysis patients" ngayong Hunyo.
Ayon kay PhilHealth spokesperson Shirley Domingo, narinig niya sa balita na kinumpirma ng dating aide ni Pangulong Rodrigo Duterte at Senator-elect Christopher "Bong" Go ang appointment ni Morales.
Nangangamba naman ang ilang militanteng grupo na lalo lang palalalain ng pagtatalaga kay Morales ang "militarisasyon" ng mga ahensya ng gobyerno.
"Malinaw ang papatinding militarisasyon ng sibilyang burukrasya sa ilalim ng administrasyon ni Duterte. Hindi tutoong mas epektibo at episyente kapag galing sa AFP/PNP," sabi ni Ferdinand Gaite, representative-elect ng Bayan Muna.
Ayon kay Gaite, mahigit 60 dating matataas na opisyal ng militar at pulis na ang humahawak sa mga "kritikal" na posisyon ng gobyerno ngayon.
"Natanggal na nga ang iba tulad ni Balutan (PCSO), Faeldon at Lapeña (ang dalawang huli ay ni reappoint lang uli)," dagdag ni Gaite.
"[T]he civilian bureaucracy is being used by the Duterte administration as a reward or bribe to former military officers to be loyal to Pres. Duterte regardless if they know next to nothing of the position they are being appointed to..."
(Ginagamit ng administrasyong Duterte ang burukrasyong sibilyang bilang gantimpala o suhol sa mga dating opisyal ng militar para maging tapat kay presidente Duterte kahit na wala silang alam sa trabahong lilipatan nila.)
Una na ring inanunsyo ni health Secretary Francisco Duque III na itinalaga ang dating sundalo bilang "acting president" at chief executive officer ng PhilHealth.
Noong nakaraang linggo, pinagbitiw sa pwesto ni Duterte si dating PhilHealth chief Roy Ferrer kaugnay ng kontrobersiya doon ngayon.
Kinumpirma ng mga opisyal ng PhilHealth na nakipagpulong sila kay retired general Ricardo Morales Huwebes.
"Maybe his appointment paper (for PhilHealth) was signed after he met with us," ani Domingo.
(Siguro nilagdaan ang appointment paper niya sa Philhealth matapos niya makipagkita sa amin.)
Dating miyembro ng Reform the Armed Forces Movement, na nakilahok sa pag-aalsang Edsa noong 1986, nanggaling si Morales sa Davao City na siya ring pinanggalingan din ni Duterte.
Kwestyon sa performance
Bago malipat sa PhilHealth, itinalaga bilang miyembro ng Board of Trustees ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System si Morales.
Isang buwan pa lang ang nakalilipas nang mangyari ang nasabing appointment doon.
Binatikos naman ni Gaite kung paanong umalis na lang sa posisyon si Morales sa gitna ng mga problema sa suplay ng tubig.
"Halimbawa na mismo ang dating MWSS Board member na si Gen. Ricardo Morales na ang iniwang problema ng kakulangan ng tubig bunga ng kapabayaan o incompetence ng MWSS," sabi ng paparating na mambabatas.
Kasalukuyang dumaranas ng mahina at paputol-putol na serbisyo ang malaking bahagi ng Metro Manila at mga karatig na lugar matapos bawasan ang alokasyong ibinibigay sa mga water concessionaires kasunod ng patuloy na pagbaba ng tubig sa Angat Dam.
- Latest