Tubig sa Angat Dam posibleng mag-critical level ngayong linggo
MANILA, Philippines — Sumadsad na sa 165.25 metro ang lebel ng tubig sa Angat Dam nitong ika-10 ng Hunyo 10, ayon kay National Water Resources Board executive director Sevillo David Jr.
Maaaring mas bumaba pa sa 160m kritikal na lebel ang tubig sa dam sa pagtatapos ng linggo kung magtutuloy-tuloy ang kakulangan ng pag-ulan.
'Yan ay kahit opisyal na idineklara na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration ang panahon ng tag-ulan nitong Biyernes.
Huling bumaba sa kritikal na lebel ang Angat Dam noong 2010 kung saan kinailangan pang magrasyon ng tubig sa mga apektadong lugar.
"Possible reduction of the approved 46 cubic meters per second allocation to MWSS is foreseen once the water level dipped below 160 meters. This will affect the regular delivery of water service provided to Metro Manila concessionaires — Maynilad and Manila Water. Pressure reduction, water rotation and interruption are expected," ani David sa isang press briefing.
(Posible mabawasan ang naaprubahang 46 cubic meters kada segundong alokasyon sa MWSS oras na bumaba pa ito sa 160 metro. Maaapektuhan nito ang regular na suplay ng tubig sa Metro Manila concessionaires — Maynilad at Manila Water. Inaasahan ang pagbabawas ng pressure, water rotation at pagkaantala ng tubig.)
Dahil sa sitwasyong ito, minabuti ng NWRB, kasama ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System at iba pang concessionaire, na inspeksyunin ang low level outlet sa Angat Dam upang masiguro ang kalidad ng tubig na dumadaan dito.
Ang low level outlet ay ang mababang daanan sa dam na kayang maglabas ng tubig na mas mababa sa 160m.
Dagdag niya ay maayos sa ngayon ang kalidad ng tubig ngunit itutuloy-tuloy pa rin nila ang pagsusuri upang masiguradong malinis na tubig ang maipapadala sa mga gagamit.
Mga alternatibo
Noong Abril ay nagsimula na ang Bureau of Soil and Water Management sa kanilang operasyon na cloud-seeding kung saan sila ay nagsasaboy ng kemikal sa ulap upang magdulot ng ulan.
Kaakibat nito ay ang posibleng plano ng NWRB na tumingin sa mga malalalim na balon bilang alternatibong pagkukuhanan ng tubig.
Idinagdag din ni David ang posibleng pagbuo ng karagdagang dam.
“Tinitignan din po ‘yung pagbuo ng bagong reservoir lalo na dahil sa bilis ng development ng Metro Manila at pagdami ng tao,” sabi ni David.
Nasabi niya na halos 96% ng tubig sa Metro Manila ay galing sa Angat Dam, kung kaya’t hindi maiiwasan ang iregular na daloy ng tubig kung sakaling mabawasan pa ng tubig sa dam.
Dagdag niya ay nais nilang umabot sa 180m ang lebel ng tubig sa pagtatapos ng taon, lalo na upang hindi lubos na maapektuhan ang mga magsasaka at ang irigasyon sa mga taniman.
Pagtitipid ng tubig
Sa kabila ng pagkaunti ng tubig sa Angat Dam ay hinihikayat ni David na sikapin ng mga Pilipino na magtipid ng tubig.
Aniya, dapat subukang gamitin ang tubig ulan kung maaari para sa mga gawain na hindi nangangailangan ng malinis na tubig, gaya ng paglilinis ng sasakyan o mga banketa.
“Sa tingin po natin sa ngayon ‘yun ang panawagan natin pero dapat po tuloy-tuloy kasi ‘yung pagtitipid mas maganda na behavior. Maging ugali na natin para ito rin ay paghahanda sa mga future scenario po,” sabi ni David.
(Sa tingin po natin sa ngayon ‘yun ang panawagan natin pero dapat po tuloy-tuloy kasi ‘yung pagtitipid mas maganda na ugaliin. Maging ugali na natin para ito rin ay paghahanda sa mga susunod na mangyayari po.) — Philstar.com intern Gab Alicaya at may mga ulat ni Maureen Simeon
- Latest