Pinas nagprotesta vs China
MANILA, Philippines — Naghain ng panibagong diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa China matapos ang insidente sa West Philippine Sea kung saan inabandona ng isang Chinese vessel ang nabangga nilang Philippine vessel sa Recto Bank sa Palawan noong Linggo ng gabi.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, “outrage” o galit si Pangulong Duterte nang malaman nito ang naturang insidente.
Ayon kay Panelo, ano pa man ang itawag sa nangyari, sinadya man ito o aksidente o isang kaso ng bullying, ang malinaw ay isa itong barbaric na aksyon at hindi sibilisado sa panig ng Chinese crew.
Binigyang-diin pa ni Sec. Panelo, kinokondena ng Palasyo ang nasabing insidente matapos abandonahin ng mga Chinese crew ang 22 Pinoy fishermen hanggang magpalutang-lutang sa karagatan.
Nasagip ng dumaang Vietnamese fishing vessel ang mga mangingisdang Pinoy na ilang oras ng nakababad sa karagatan.
Ipinauubaya naman ng Malacañang sa DFA kung pauuwiin na ng bansa ang ambassador at consul ng Pilipinas sa China kasunod nang nangyari sa Recto Bank.
Nauna rito, kinondena din ni DND Sec. Delfin Lorenzana ang nasabing insidente at sinabing hindi gawain ng isang kaibigang bansa na pabayaan ang nangangailangan ng tulong.
Iginiit din ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na ang ginawa ng Chinese vessel ay maliwanag na paglabag sa katungkulan ng bawat bansa na sumaklolo sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Sinabi ni Drilon, maliwanag na sa ilalim ng Article 98 ng UNCLOS na ang bawat bansa ay inaatasan na magbigay ng tulong sa mga taong nanganganib ang buhay o nawawala sa dagat.
Ang nasabing katungkulan ng mga naglalayag na barko at mga sasakyang pandagat ay ipinapatupad kahit pa may giyera.
- Latest