Sakay na Pinoy tulog nang mabangga ng Chinese vessel sa Recto Bank
MANILA, Philippines — Walang kamalay-malay ang 22 Pilipinong sakay ng F/B GIMVER 1 nang mabangga at takbuhan ng mga Tsinong naglalayag sa West Philippine Sea, ayon sa kamag-anak ng kapitan ng barko nitong Huwebes.
Inilahad ni Jimwel Tañedo, pinsan ng kapitan ng bangka, kung paanong himbing na himbing pa ang mga crew member nang mangyari ito noong ika-9 ng Hunyo, Linggo ng hatinggabi.
"[N]aka-anchor po sila doon sa area na pinagbanggaan, nagulat na lang po sila dahil hatinggabi po, may ano, wasak na 'yun pala nabangga na sila ng barko ng China," sabi ni Tañedo sa panayam ng "Unang Balita" sa GMA News.
Aniya, hindi raw alam ng mga Pinoy kung binalaan sila ng mga Tsino dahil napasarap ang tulog. "Basta naano na lang po, nadisgrasya na po sila."
Nangyari ang insidente sa Recto Bank, na kilala rin bilang Reed Bank, na nasa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Hitik ang lugar sa iba't ibang likas yaman gaya ng langis at gas deposits.
Kinundena na ng Department of National Defense at Palasyo ang nangyari lalo na't umeskapo ang mga Tsino nang mapalubog ang bangka.
"We denounce the actions of the Chinese fishing vessel for immediately leaving the incident scene abandoning the 22 Filipino crewmen to the mercy of the elements," sabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.
(Kinukundena namin ang aksyon ng mga mangingisdang Tsino dahil basta na lang nilang iniwan sa eksena ang 22 Pilipino sa panganib ng kalikasan.)
Laking pasasalamat naman ng lahat nang saklolohan ng ilang Vietnamese ang mga na-stranded na Pilipino sa karagatan.
'Yan ay kahit na inaangkin din nila ang ilang bahagi ng South China Sea.
"Halos anim na oras po. Kasi alas-dose po sila nabangga, pagdating ng umaga, nung may nakita silang barko ng Vietnam, doon po sila humingi ng tulong sa barko ng Vietnam," sabi ni Tañedo.
'PH-Vietnam joint patrol'
Sa gitna ng pagtulong ng Vietnamese sa mga Pilipino, nanawagan naman ang ilang militanteng mambabatas sa gobyerno na makipagtulungan sa mga karatig na bansa na may interes din sa lugar nang hindi "maapi" ng Asian giant.
"Joint patrols with Vietnam and Malaysia as well as other claimants of areas in the South China Sea can be arranged so as to prevent further aggression from China," sabi ni Bayan Muna Rep. Carlo Zarate ngayong umaga.
(Mainam na mag-ayos [tayo] ng joint patrol kasama ang Vietnam, Malaysia at iba pang umaangkin sa ilang bahagi ng South china Sea para maiwasan ang pangdadahas mula sa Tsina.)
Dagdag pa ni Zarate, dapat din daw madagdagan ang coast guard patrols sa West Philippine Sea upang masigurong nadedepensahan ang mga mangingisda.
Ayon naman kay Bayan Muna chairperson neri Colmenares, dapat ding maimbestigahan kung mangingisdang Tsino lang ba ang mga nasa likod ng nangyari o kung Chinese militia ba ito.
"Kailangang ipagtanggol ng pamahalaan ang mga Pilipinong mangingisda at di dapat umubra ang ginagawang ito ng Tsina," ani Colmenares.
Hinamon ng kanilang grupo ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na gumawa ng aksyon patungkol dito at maghain man lang ng diplomatic protest.
- Latest