Manipesto ng Speakership sa Kamara pinagdudahan
MANILA, Philippines — Duda ang political analyst na si Ramon Casiple sa pahayag ni House Minority Leader Danilo Suarez na mayroon nang 153 lawmakers ang lumagda sa manifesto of support para sa pagka-Speaker ni Leyte Rep. Martin Romualdez.
Ani Casiple, hindi totoo at maituturing umano na imposible ang ipinalalabas na ito ni Suarez. Aniya, walang mambabatas ang lalagda at magbibigay ng kanilang suporta batay lamang sa ipinakalat na manipesto.
Una nang pinangunahan ni Suarez ang pagpapaikot sa Kamara ng manipesto bilang pagsuporta sa pagtakbo ni Romualdez at ipinagmalaki nito na nakuha na umano ni Romualdez ang magic number para mapanalo ang Speakership.
Komento ni Casiple, karaniwan na kung maingay sa laban ay ang siyang nahuhuli habang ang tahimik ang siyang mas may maraming endorso at kumpiyansa sa botong makukuha.
Para naman sa isa pang political analyst na si Ranjit Rye ng University of the Philippines, maituturing na may edge sa mga kandidato si dating Sen at ngayon ay Taguig Rep. Alan Peter Cayetano dahil na rin siya ang may sinabi pagdating sa lawak ng karanasan sa pulitika at may working relationship na sa Pangulo na syang kritikal para sa nalalabing 3 taong termino ni Pangulong Duterte para masigurong maisusulong ang kanyang mga legislative agenda.
Dagdag pa ni Rye na naging Vice Presidential candidate ni Pangulong Duterte si Cayetano noong 2016 election na isa sa mabigat na puntos nito, aniya, dito lamang ay iba na ang samahan sa pagitan ng Pangulo at Cayetano na wala sa mga kalaban nito sa Speakership race.
- Latest