27.8M estudyante balik eskwela
MANILA, Philippines — Balik eskwela ngayon ang 27.8 milyong estudyante sa mga pampublikong paaralan sa bansa.
Ayon kay Education Sec. Leonor Briones, handang-handa na ang mga guro, school officials at mga paaralan para sa pagdagsa ng mga estudyante sa unang araw ng kanilang klase.
Umaasa si Briones na maging maayos ang pagbubukas ng klase, hanggang sa pagtatapos nito sa susunod na taon.
Nakipag-ugnayan na rin sa kanila ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) para sa pagbibigay ng ligtas na seguridad sa mga mag-aaral.
Magpapakalat umano ang PNP ng 120,000 mga pulis, at 7,000 sa mga ito ay sa mga paaralan sa Metro Manila ide-deploy.
Nilinaw naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Guillermo Eleazar na magpapatrulya pa rin sa mga lansangan sa Metro Manila na patungong mga eskwelahan ang mga pulis.
Gayundin sa mga bus terminals, vital installation para magsagawa ng mga anti-criminality efforts para mabawasan o maiwasan ang mga posibleng mangyaring krimen na may kaugnayan sa pagbubukas ng klase.
Idinagdag pa ni Eleazar na makakatuwang nila sa pagbabantay ang mga opisyal ng barangay para sa pagpapanatili ng maayos na daloy ng trapiko sa paligid ng mga eskwelahan.
Bagamat wala naman umanong natatanggap na banta sa seguridad ng mga mag-aaral ang pulisya ay mananatili pa ring alerto ang kapulisan laban sa mga magnanakaw o masasamang loob na mambibiktima ng mga estudyante.
Nakaalerto din umano ang mga pulis laban sa paglaganap ng iligal na droga sa mga paaralan dahil sa madaling mahikayat na gumamit nito ang mga estudyante partikular na sa high school students at party drugs naman sa mga college students. Gemma Garcia
- Latest