CHED: Hindi anti-Filipino ang gawing opsyonal ang Filipino, Panitikan
MANILA, Philippines — Pinuri ng Commission on Higher Education ang desisyon ng Korte Suprema na ibasura ang mosyong kumekwestyon sa CHED Memorandum Order No. 20 na nagtatanggal sa asignaturang Filipino at Panitikan sa general education curriculum ng mga kolehiyo't unibersidad.
Sa kabila nito, nanindigan si CHED Chairperson Prospero De Vera III na hindi kontra-Filipino ang kanilang tanggapan.
"The accusation of critics that CHED is anti-Filipino is wrong. The Commission believes in the fundamental role played by language in education," sabi ni De Vera sa isang pahayag Miyerkules.
(Mali ang akusasyon ng mga kritiko na anti-Filipino ang CHED. Naniniwala ang komisyon sa mahalagang papel ng wika sa edukasyon.)
"To be properly cultivated, Filipino cannot merely be taught as a subject, but must be used in oral and written forms, across academic domains," dagdag ng CHED.
(Para totoong mapaunlad ito, hindi pwedeng ituro lang ito bilang asignatura ngunit dapat magamit sa pakikipagusap at pagsusulat.)
Dagdag pa ng komisyon: "The CHED did not abolish Filipino and Panitikan in the General Education Curriculum. Instead, these were transferred to the Senior High School level since these are important building blocks in the preparation of senior high students to be university-ready when they graduate."
(Hindi inalis ng CHED ang Filipino at Panitikan sa General Education Curriculum. Sa halip, inilipat ito sa Senior High School kung saan mahalaga silang bahagi ng paghanda sa mga mag-aaral sa senior high school para maging handa sa unibersidad kapag sila'y nagtapos)
Filipino, itinuturo naman daw sa elementarya at hayskul
Ayon sa desisyon ng korte, wala naman daw sinasabi sa Saligang Batas kung anong antas dapat ituro ang Filipino.
Hindi rin daw nilalabag ng CMO 20 ang konstitusyon nang ilipat daw ito sa elementarya at hayskul.
Sabi ni De Vera, pinatunayan lang ng korte na inilipat lang sa senior high school ang mga naturang asignatura.
Gayunpaman, pinasisinungalingan ito ng Tanggol Wika, ang grupong naghain ng motion for reconsideration laban sa CMO 20.
Aniya, maraming nasa kasalukuyang college curriculum ang hindi naman saklaw ng itinuturo sa SHS.
Naglabas na rin ng kanilang pagtutol sa desisyon ng korte ang Opisina ng U.P. Faculty Regent.
Paglilinaw ng CHED, hindi naman daw pinipigilan ng memorandum na gawing rekisitos sa mga unibersidad at kolehiyo ang karagdagang subjects sa Filipino, Panitikan at Konstitusyon.
Imbis na i-obliga sa mga eskwelahang ituro ito, malaya silang magdesisyon kung ibibigay ito o hindi.
Matatandaang inilabas ang CMO 20 noong panahon ni dating Pangulong Benigno Aquino III.
Duterte, CHED, Korte Suprema sinisingil
Kinastigo naman ng National Union Students of the Philippines ang pagtatanggol ni De Vera sa desisyon.
"The agency has been playing deaf to public criticism of the memo; now, in a grand display of insensitivity, it defended the SC ruling," sabi ni Raoul Manuel, pambansang tagapagsalita ng NUSP, Miyerkules ng gabi.
(Nagbibingi-bingihan ang ahensya sa batikos na natangggap ng memo; ngayon, nakuha pa nilang maging bastos at ipagtanggol ang SC ruling.)
Dagdag ni Manuel, palalalain lang daw ng CMO 20 ang kolonyal na sistema ng edukasyon, na nagiging pabrika lang daw ng mga graduate na ie-export sa ibang bansa.
"Without government regulation, HEIs will surely throw Filipino and Panitikan out of the window in favor of a 'globally competitive' curriculum," dagdag niya.
(Kung tatanggalin ang regulasyon mula sa gobyerno, siguradong tatanggalin ang Filipino at Panitikan para paboran ang "globally competitive" na curriculum.)
Nanindigan ang NUSP na pare-pareho lang daw anti-Filipino si Pangulong Rodrigo Duterte, CHED at Korte Suprema dahil sa kanilang "kabiguang" ipagtanggol ang wika't soberanya ng Pilipinas.
- Latest