80,000 trabaho magbubukas sa 20 accord ng ‘Pinas at Japan
MANILA, Philippines — Aabot sa 20 business agreements na nagkakahalaga ng halos P300 billion ($4.5 billion) ang nakatakdang lagdaan ng Pilipinas at ng iba’t ibang Japanese firms.
Sinabi ni Trade and Industry Secretary Ramon Lopez na bahagi ito ng gagawing pagdalo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Nikkei’s 25th International Conference on The Future of Asia sa darating na May 30-31 sa Tokyo, Japan.
Ayon kay Lopez, aabot sa may 80,000 trabaho ang maaaring malikha ng nasabing business agreements.
Inihayag ni Lopez na ang mga investment pledges ay may kinalaman sa infrastructure, manufacturing, electronics, medical devices at business process outsourcing (BPO).
Kabilang din sa inaasahang lalagdaang business agreement ang para sa sektor ng enerhiya, transportasyon, automotive, food manufacturing at marine manpower industries.
Samantala, sasagutin ng Nikkei ang gastusin ng delegasyon ng Pilipinas sa pagdalo sa naturang kumperensiya. Ito ang nabatid kay Philippine Ambassador to Japan Jose Laurel V sa media interview nito sa Philippine media sa Tokyo, Japan kahapon.
Ayon kay Laurel, aabot sa 200 ang officials at staff na kasama ni Pangulong Duterte sa pagbisita sa Japan mula Mayo 30-31.
Sinabi pa rin ni Laurel na walang pagkakataon na makipagkita si Pangulong Duterte sa bagong emperor ng Japan.
Hindi anya nagkaroon ng pagkakataon upang ma-schedule ang courtesy call ni Pangulong Duterte kay Emperor Naruhito na pumalit sa ama nitong si Akihito na nag-abdicate ngayong taon.
- Latest