Pagtatanggal sa Filipino, Panitikan bilang rekisitos sa kolehiyo tinutulan
MANILA, Philippines — Hindi ikinatuwa ng ilang kabataan at guro ang desisyon ng Korte Suprema na tuluyang tanggalin mula sa mga "required" na asignatura sa kolehiyo ang Filipino at Panitikan, bagay na lubhang makaaapekto raw sa kultura at kamalayan ng kabataang Pilipino.
Kinatigan ng korte ang nauna nitong desisyon noong ika-9 ng Oktubre na tanggalin ito matapos daw bigong makapaghain ng panibagong argumento ang mga petitioners para mabaliktad ang kanilang pananaw.
Kontra-Pilipino?
Ayon sa League of Filipino Students, ipinagtataka nila kung bakit ikinakatwiran ang patriyotismo sa pagra-"ratsada" diumano ng mandatory Reserved Officers' Training Corps sa senior high school gayong tinatanggal naman ang Filipino at Panitikan sa mga paaralan.
Aniya, mahalaga daw ang dalawang asignatura "sa pag-aaral at pagsasabuhay ng mga kabataan sa nasyunalismo."
"Ang ganitong mga patakaran ang naglalantad sa gobyerno at kay Duterte bilang ipokrito at anti-Pilipino," sabi ng LFS sa isang pahayag Lunes.
Matatandaang ipinasa ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang mandatory ROTC sa Grade 11 at 12 noong nakaraang linggo sa layuning madisiplina at maturuan ng nasyonalismo ang kabataan.
"Wala siyang karapatan at kredibilidad na pangaralan ang kabataan hinggil sa nasyonalismo gayong siya mismo ang naglalako ng ating karagatan at mga likas na yaman sa Tsina."
Tinutukoy ng grupo ang paghawak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa agawan ng teritoryo ng Pilipinas at Tsina sa West Philippine Sea, gayong malapit siya kay Chinese President Xi Jinping.
Dagdag ng LFS, nakabalangkas daw ang polisiya sa pagtutulak ng diumano'y kolonyal na katangian ng edukasyon sa bansa para lumikha ng mga murang lakas paggawa para sa mga dayuhan.
"Layunin nitong magluwal ng mga kabataang walang pagkilala sa sariling panitikan at kasaysayan dahil hindi naman kailangan ng ibang mga bansa ang empleyadong mulat sa kanyang sariling bayan at kultura," wika ng grupo.
Nitong Oktubre, sinabi ng Korte Suprema na balido ang Commission on Higher Education Memorandum Order No. 20 Series of 2013 na nagbababa sa minimum na yunit ng general education sa 36.
Dahil dito, hindi na bahagi ng "core subjects" ang Filipino at Panitikan.
Sa kanilang mosyon, sinabi ng Alyansa ng Mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino na inuutos ng Saligang Batas na maisama ang Filipino sa curriculum sa lahat ng antas ng pag-aaral.
Filipino bilang wikang pang-akademya
Samantala, sinabi naman ng Alliance of Concerened Teachers na "panibagong dagok" daw ito sa makabayang edukasyon sa bansa.
Posible daw kasi na manamlay at mamatay bilang wikang panturo sa akademya ang Filipino kung maipatutupad.
"Kung ipapaubaya sa mga kolehiyo at unibersidad ang pagdaragdag ng asignaturang Filipino at Panitikan, tiyak na unti-unti nang mamamatay ang mga asignaturang ito, sa konteksto ng mahabang kasaysayang kolonyal at neokolonyal ng Pilipinas," sabi ng ACT.
Wika pa nila, nauna na rin daw tinanggal ang asignaturang Kasaysayan ng Pilipinas sa high school at Philippine Government & Constitution sa kolehiyo simula nang ipatupad ang K to 12.
Nanindigan din ang ACT na maaaring mapalawak ng pagtatanggal ng Filipino ang agwat sa komunikasyon sa pagitan ng mga rehiyon ng bansa.
Itinatag bilang pambansang wika ng Pilipinas ang "Filipino" upang mapagkaisa ang magkakaibang wika sa iba't ibang rehiyon ng bansa, ngunit ginamit na panimulang batayan nito ang wikang Tagalog.
"Sa ganitong diwa, naninindigan ang ACT-Philippines na nararapat IPAGTANGGOL at PANATILIHIN ang mga asignaturang ito. Ang edukasyong makabayan ang tanglaw ng bayan sa landas ng kalayaan at kaunlaran," kanilang panapos.
- Latest