Oplan Balik Eskwela arangkada na
MANILA, Philippines — Umarangkada na ngayong araw ng Lunes (May 27) ang Oplan Balik Eskwela ng Department of Education (DepEd) na ipinatutupad sa lahat ng pampublikong paaralan sa Elementary at High School sa buong bansa.
Ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones, ang Oplan Balik Eskwela ay magtatapos hanggang sa Hunyo 7 ng taong kasalukuyan na ang layunin ay mabigyan ng pagkakataon ang Central, Regional, at Division Offices ng DepEd upang masolusyunan ang mga problemang maaaring kaharapin nila sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 3.
Bukas na rin ngayong araw ang Public Assistance and Command Center sa DepEd Central Office sa Pasig City na magtatapos hanggang Hunyo 7 upang tumanggap ng mga reklamo at magbigay ng tulong at ayuda sa mga maaaring mangailangan nito.
Ayon kay Briones, isang daang porsiyentong handa at malinis na ang may 62,000 paaralan sa buong bansa matapos nilang ilunsad at isagawa ang one week ‘humanitarian mission’ na Brigada Eskwela sa tulong ng iba’t-ibang grupo, magulang, guro, PNP, PDEA, MMDA at iba pang public at private organizations.
Ngayong School Year 2019-2020 ay nasa 27.8 milyong mag-aaral ang papasok sa kani-kanilang paaralan.
- Latest