‘Trillanes makukulong’- Palasyo
MANILA, Philippines — Pinalutang kahapon ng Malakanyang ang posibilidad na makulong si outgoing Senator Antonio Trillanes IV na utak umano ng “Ang Totoong Narcolist” video.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na, sa paglisan ni Trillanes sa Senado sa katapusan ng Hunyo sa taong ito, mahaharap ito sa kaso at maaaring makulong.
Ayon kay Panelo, hindi imposibleng muling makulong si Trillanes matapos bumaligtad si Peter Joemel “Bikoy” Advincula at ituro ang senador bilang nasa likod ng black propaganda laban sa administrasyon.
Inihayag ni Panelo na noon ay puring-puri ni Trillanes ang video ni Bikoy laban kina Pangulong Rodrigo Duterte, ilang miyembro ng pamilya Duterte at Senator-elect Bong Go pero nang ituro siya ng self-confessed black propagandist, bigla raw itong hugas-kamay at itinanggi ang alegasyon.
Pinuna ni Panelo na matagal nang nagpapakalat si Trillanes ng maling impormasyon at paninira laban kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa pamilya nito.
Ayon pa sa tagapagsalita, ang tagumpay kamakailan sa eleksyon ng mga kandidatong inindorso ni Pangulong Duterte ay nagpatunay na kasinungalingan ang mga katiwaliang ipinaparatang ng senador laban sa Punong Ehekutibo.
Sinabi pa ni Panelo na dapat munang harapin ni Trillanes ang seryosong alegasyon na nagtuturo rito bilang utak at nakikipagsabwatan sa ilang lider-oposisyon para ibagsak ang administrasyong Duterte. (Rudy Andal)
- Latest