Ilokana, top graduate ng PMA ngayong 2019
MANILA, Philippines — Muling pinangunahan ng isang babaeng kadete ang graduating class ng Philippine Military Academy ngayong taon.
Numero uno sa listahan si Cadet 1st Class Dionne Mae Apolog Umalla na tubong Alilem, Ilocos Sur.
Lumalabas din na kalahati sa top 10 graduates ng PMA "Mabalasik" Class of 2019 ay pawang mga kababaihan.
Narito ang listahan ng mga topnotchers ngayong taon:
- Dionne Mae Apolog Umalla
- Jonathan Eslap Mendoza
- Jahziel Gumapac Tandoc
- Daniel Henz Bugnosen Lucas
- Aldren Altamero
- Richard Balabag Lonogan
- Marnel Dinihay Fundales
- Glyn Elinor Buansi Marapao
- Ruth Angelique Ricardo Paso
- Daryl James Jalgalado Ligutan
Paliwanag ni Umalla, walang kinalaman ang kasarian sa kung magiging mahusay o hindi ang isang kadete sa PMA.
"It’s not about whether you’re a male or a female. It's how you contribute to the betterment of PMA and how you strive for excellence kaya for me wala namang balance-balance, it's just how you perform," sabi ni Umalla.
(Hindi ito tungkol sa kung lalaki ka o babae. Ito'y kung paano ka aambag sa ikabubuti ng PMA at kung paano mo aabutin ang kahusayan kaya para sa akin wala namang balance-balance, kung paano ka lang mag-perform.)
Apat mula sa mga topnotchers ang nagmula mula sa Cordillera Administrative Region kabilang sina Tandoc, Lucas, Lonogan at Marapao.
Nakuha naman nina Kimberly Joy Saliw-an Baculi at Nicolas Crisanto Raguine Guysayko ang Athletic Saber Award habang nasungkit ni Geoffrey Ortega Valdez ang Journalism Award.
Iginawad naman ang Chief of Staff Saber Award kay Jesriel Alvendia Calimag.
Nakatakdang magtapos ang 263 kadete ng PMA sa ika-26 ng Mayo 2019 na pangungunahan naman ni Pangulong Rodrigo Duterte.
- Latest