Walang proklamasyon ngayon sa senators, partylists - Comelec
MANILA, Philippines — Walang magaganap na proklamasyon ngayong araw (Mayo 20) ng mga nagwaging senador at partylist groups dahil sa hindi pa nakumpletong canvassing ng National Board of Canvassers (NBOC) at special elections na idaraos ngayong Lunes sa Jones, Isabela.
Sinabi ni Frances Arabe, director ng Comelec-Education and Information Division, na ang pinakamaagang proklamasyon ay sa Martes o Miyerkules dahil mas gusto ng Comelec en banc na matapos na lahat ang canvassing upang isang event na lang ito isagawa.
Sa umaga umano gagawin ang proklamasyon sa partylists at sa hapon ang mga senador.
Nasa 2,234,838 votes pa umano ang bibilangin mula sa mga certificate of canvass (COC) mula sa lalawigan ng Isabela, na magsasagawa pa lang ngayon ng eleksiyon at ang COC mula sa Japan, Saudi Arabia, Nigeria, USA, habang ang nagmula sa Zamboanga Del Sur ay sinimulan nang i-canvass kagabi.
Na-delay umano ang pagsusumite ng COCs dahil sa pumalyang overseas SD cards.
Nagdesisyon nitong Sabado ng gabi ang Comelec en banc na idaos ngayong araw ang special election sa Barangay Dicamay 1 na may 1,000 botante.
Nauna rito, hinarang ng mga suspek ang mga board of election inspectors (BEI) na patungo sa munisipyo dala ang VCM. Pinababa ng sasakyan ang mga guro at saka sinunog ang VCM sanhi upang hindi mabilang ang mga boto na galing umano sa 11 polling precincts.
- Latest