Jinggoy tinanggap na talo sa pagkasenador, pinaringgan ni JV?
MANILA, Philippines — Sumuko na sa Senate race ang dating senador na si Jinggoy Estrada sa pagpapatuloy ng bilangan ng boto sa midterm elections.
Sa pahayag na inilabas ng Hugpong ng Pagbabago candidate kahapon, hindi niya nakalimutang magpasalamat sa lahat ng sumuporta sa kanyang kampanya.
"Bagamat hindi po tayo pinalad na makapasok sa 'Magic 12', ayon sa unofficial count ng Comelec at mga VCMs, tatanawin ko pa rin ng malaking utang na loob sa inyo ang inyong ipinakitang suporta sa akin lalong lalo na ang masang Pilipino na kahit kailan hindi po ako iniwanan," sabi ni Estrada.
Pinayuhan din niya ang lahat ng mga baguhang kandidato na malaki ang tiyansang manalo gaya nina Bong Go, Bato dela Rosa, Francis Tolentino at Imee Marcos na tuparin ang "mga binitiwang pangako nung panahon ng kampanya."
"[M]alaki ang aking paniniwala na magiging maayos at productive ang senado dahil subok na ang inyong kasipagan at determinasyon na manilbihan sa taong bayan," dagdag niya.
Sa kanyang statement, nakuha pa niyang makipagbiruan kay dating Sen. Bong Revilla, na tinawag niyang "kakosa."
Parehong iniuugnay sina Revilla at Estrada sa pork barrel scam, dahilan para pareho silang makulong.
Inabswelto si Revilla ng Sandiganbayan sa pandarambong ngunit humaharap pa rin sa kasong "plunder" si Estrada.
"[B]agamat matagal tayong nagkasama at ngayon lang tayo maghihiwalay... ipagdadasal ko ang iyong tagumpay sa Senado at ipagpatuloy mo ang laban para sa katotohanan. I love you, my friend!"
Pasok pa rin sa partial and unofficial tally si Revilla ngayong ala-una ng hapon. Nasa ika-10 pwesto ang dating senador.
Gayunpaman, tanggal si Revilla sa 'Magic 12' kung titignan ang huling partial and official tally na inilabas kagabi. Mas mabagal ang paglabas ng partial and official tally.
Iringan ng magkapatid
Kapansin-pansin naman na piniling purihin ni Jinggoy si Sen. Nancy Binay kaysa sa kapatid na si Sen. JV Ejercito sa kanyang ipinaskil na mensahe.
Kasalukuyang nasa ika-12 pwesto si Binay habang nasa ika-13 si Ejercito.
"Kay Sen. Nancy, alam ko marami ka pang magagawa sa Senado na makakatulong sa ating mga kababayang mahihirap. Keep it up! You deserve to keep the 12th spot because you have a very big heart for the poor and you are the BETTER person among others," dagdag ni Estrada.
Sa kanyang Twitter post kagabi, tila pinaringgan naman siya ni JV, na kanyang kapatid sa ama.
Bitter.
— JV Ejercito (@jvejercito) May 16, 2019
Tugon ni Ejercito sa isang tweet patungkol sa pagpili ni Estrada kay Nancy, ito ang kanyang binanggit: "And I am really the Good One..."
And I am really the Good One... https://t.co/FKe5T5bnm8
— JV Ejercito (@jvejercito) May 16, 2019
Parte ang "good one" sa campaign slogan ng incumbent senator.
Matagal na ang ugong-ugong na nagkakairingan ang magkapatid, ngunit matatandaang itinaas nila ang kamay ng isa't-isa sa campaign launch ng HNP.
- Latest