'Kaya ka iniipis': Gabriela kinastigo ang pambabastos daw ni Duterte sa Bohol mayor
MANILA, Philippines — Hindi natuwa ang isang party-list sa kontrobersyal na pananalita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa alkalde ng Garcia Hernandez, Bohol nitong Miyerkules ng gabi.
Habang nagsasalita kasi sa isang campaign rally, pinaulanan ng papuri ni Duterte ang kagandahan ni Mayor Tita Baja-Gallantes.
Pero ang ilan sa kanyang mga sinabi, tila "Rated SPG" na sa pamantayan ng Movie and Television Review and Classification Board.
"Ang ganda mo. Kung ako [ang karelasyon mo], bakit kita hihiwalayan? Dadakutin at hahawakan ko talaga 'yang panty mo kung subukin mong umalis, kahit na mapatid ang garter. Sobrang ganda mo lang talaga," sabi ng presidente sa diumano'y separada sa talumpating magkahalong Bisaya at Ingles.
Nandoon si Duterte para suportahan ang kandidatura ni dating Cabinet Secretary Leoncio "Jun" Evasco Jr.
Ang ganitong "pakikipaglandian" ng pangulo sa alkalde, nagpatuloy sa halos buong palatuntunan.
"Pwede ba tayong magtanan? May anak ka, tama mayor? Ilan?... Ako apat, pero malalaki na sila kaya wala na akong problema doon," sabi ni Digong.
Kasal noon ang pangulo kay Elizabeth Zimmerman, kung saan tatlo ang kanyang anak, kabilang dito si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Kinakasama ni Duterte ngayon si Honeylet Avanceña, na ina ng bunsong anak na si Kitty.
Ang gawi ng pangulo, na ilang beses nang nabatikos sa kanyang pakikitungo sa mga babae, kinasuklan ng militanteng kababaihan.
"Talagang dumadapo ang ipis sa basurang bulok, at malinaw na kasama sa dinadapuan nito ay ang yung may bastos at basurang bunganga gaya ng sa Pangulo," tugon ng Gabriela Women's Party sa isang pahayag.
Matatandaang dinapuan ng ipis ang presidente sa parehong event habang nagtatalumpati.
"We in Gabriela Women's Party strongly condemn this sick and disgusting display of machismo, infidelity and ethical bankruptcy," dagdag ng grupo.
(Kami sa Gabriela Women's Party ay labis na kumukundena sa masahold at kadiring pamamandila ng machismo, pambababae at kawalan ng moralidad.)
Nanawagan naman sila sa lahat ng kababaihan na gawing lunduan ang eleksyong 2019 bilang pagtakwil sa "macho-pasistang" pamumuno.
Dagdag nila, 'di dapat manalo sa eleksyon ang mga kaalyado ni Digong dahil tikom ang mga nabanggit tuwing ginagawa ito.
"Sama-sama nating labanan ang abuso!" panapos ng grupo.
- Latest