CBCP nag-sorry sa mga biktima ng sexual abuse
MANILA, Philippines — Muling humingi ng tawad ang pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa mga biktima ng kahit na anong uri ng pang-aabuso lalo na ang pang-abusong sekswal sa mga kabataan ng mga Pari.
Ayon kay Davao Archbishop Romulo Valles, labis na ikinahiya ng kalipunan ng mga Obispo sa bansa ang pang-aabusong kinasangkutan ng ilang lingkod ng Simbahang Katolika kasabay ng paghingi ng taos-pusong paumanhin sa pagkakamali ng mga pastol ng Simbahan.
“We bow in shame. We ask for forgiveness, we continue to say; we are so sorry and beg for forgiveness from the Lord and from those this hurt and wrongdoing has been done,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Valles.
Aniya, patuloy na gumagawa ng hakbang ang Simbahang Katolika ng Pilipinas upang matugunan ang mga suliranin ng pang-aabuso at tiniyak na kaisa ito sa paglaban ng pang-aabuso sa lipunan at umaasang mapanagot sa batas ang mga indibidwal na sangkot.
Sa paliwanag ni Father Getty Ferrer, Canon Lawyer ng Diyosesis ng San Jose, Nueva Ecija na ang paglilitis sa simbahan ay sa pamamagitan ng ‘tribunal’ na pinangangasiwaan ng Obispo ng nakakasakop na diocese o isang kinatawan na itatalaga ng Obispo na eksperto sa batas ng Simbahan.
Habang sa bagong kautusan ng Kan’yang Kabanalan Francisco, maging Obispo ng diyosesis ay maaring maharap sa kaukulang parusa kung bigo itong resolbahin ang kasong pang-aabuso na kinasangkutan ng nasasakupang Pari.
Hinimok ng pangulo ng CBCP ang bawat mananampalataya na huwag matakot ipagbigay alam sa mga opisyal ng Simbahan at maging sa otoridad kung makaranas ng pang-aabuso sa mga lingkod ng Simbahan at tiniyak na nakahandang makinig ang kanilang hanay upang makamtan ang biyaya ng pagpapatawad.
Una nang hinatulang nagkasala ng hukuman si US Cardinal Theodore McCarrick at Australian Cardinal George Pell dahil sa kaso ng pang-aabuso.
- Latest