^

Bansa

Kabataan sa paniningil ni Duterte sa Canada: 'Sana pati sa Tsina'

James Relativo - Philstar.com
Kabataan sa paniningil ni Duterte sa Canada: 'Sana pati sa Tsina'
Muli namang nanawagan ang nasabing party-list na itaguyod ni Pangulong Rodrigo Duterte ang "independent foreign policy," na dati nang ipinangako noong tumatakbo pa lamang sa pwesto.
Releasse/Kabataan party-list

MANILA, Philippines — Ikinalugod ng Kabataan party-list ang paniningil ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Canada kaugnay ng itinambak nilang basura sa Pilipinas, pero sana'y ganito rin daw katigas ang presidente sa Tsina.

Matatandaang binigyan ni Duterte ng isang linggong palugit ang gobyerno ni Prime Minister Justin Trudeau para hakutin pabalik ng Canada ang mga basura.

"Sa ganitong panawagan para pangalagaan ang kalikasan, nagpakita ng kaonting kasigasigan si Presidente Duterte pagdating sa pagprotekta ng ating mga anyong lupa at tubig," sabi ni Kabataan Rep. Sarah Elago sa Ingles.

Gayunpaman, ipinaliwanag ni Elago na sana'y ganito rin daw ang ipakitang tapang ni Duterte laban sa "foreign interventions" ng Tsina sa teritoryo ng Pilipinas.

Nitong mga nagdaang taon, naging tampok ang okupasyon ng Tsina sa Subi, Mischief at Fiery Cross reefs, diumano'y panggipit sa mga mangingisda at pagkuha ng mga taklobo sa Scarborough Shoal at pag-aligid ng Chinese vessels sa Pag-asa Island.

"Hinahamon namin si Presidente na umakto sa parehong kaparaanan pagdating sa pagtatanggol sa West Philippine Sea, ating mga lokal na negosyo't manggagawa laban sa panghihimasok sa ating likas yaman at ekonomiya," dagdag ng batang mambabatas.

Kasalukuyang nasa Tsina ang pangulo para sa ikalawang Beltand Road Forum for International Cooperation para paigtingin ang pakikipag-ugnayan, economic integration at pakikipagtulungan sa "regional partners."

Sa gitna ng bilateral meeting ni Duterte kay Chinese President Xi Jinping, nangako na rin ang Tsina ng 1 bilyong yuan ($148) na grant sa Pilipinas bilang tanda ng pakikipag-kaibigan ng Maynila sa Beijing, sabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo, sa ulat ng GMA News nitong Huwebes.

Wala namang ibinigay na karagdagang detayle si Panelo rito.

Pinag-usapan din daw ni Duterte at Xi ang framework ng Belt and Road Initiative at kung paano ito makatutulong sa pag-unlad ng Pilipinas.

'Gera sa Canada parang jetski comment lang'

Sa kabila ng bahagyang papuri kay Digong, kinastigo naman ng Kabataan ang presidente sa pahayag niyang didigmain ang Canada kung hindi agad kukunin ang mga basura sa bansa.

"Nagpapadala sila ng basura sa atin. Pwes, hindi na ngayon. Aawayin natin sila. Ano naman kung makikipag-away tayo sa Canada? Magdedeklara tayo ng gera laban sa kanila, [at] kaya nating manalo," sabi ni Duterte sa Ingles isang talumpati sa Pampanga.

"Sinabi na niya noon na sasakay siya ng jetski papunta sa pinag-aagawang teritoryo [sa West Philippine Sea] para ipagtanggol ang soberanya, pero ang nangyari pumirma lang siya ng mga kasunduan at Memorandum of Understanding sa Tsina na hindi naglilingkod sa ating interes," dagdag ni Elago.

Kaysa pagtuunan daw ng pansin ang "pananakop" ng east Asian giant sa mga karagatan, likas yaman at negosyo ng bansa, kataka-taka raw na sa trash issue ng Canada nagfo-focus ang pangulo.

"Pagdating sa pagsita sa Canada, nagsasalita siya na para bang siya uli ang iron-fisted mayor ng Davao. Pero pagdating sa pagsita sa Tsina, nagpipigil si Duterte at nag-aala Pontio Pilato kapag lumalabas ang mga isyu," wika ni Elago, na tanging representante ng kabataan sa Kamara.

Matatandaang mangilang beses nang naghain nang diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs sa mga aksyon ng Tsina sa South China Sea, ngunit naninindigan ang pangulo na 'di pwedeng makipagdigma ang Pilipinas sa Tsina, na nakikipag-kaibigan lang daw sa bansa.

"Maaaring sinasabi niyang 'di dapat gawing basurahan ng dayuhan ang bansa, pero kailangan niyang tanggapin na sinasakop na tayo ng Tsina sa ilalim ng panunungkulan niya."

Muli namang nanawagan ang nasabing party-list na itaguyod ni Duterte ang "independent foreign policy," na dati nang ipinangako noong tumatakbo pa lamang sa pwesto.

CANADA

CHINA

INDEPENDENT FOREIGN POLICY

KABATAAN PARTY-LIST

RODRIGO DUTERTE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with