Kumakalat na text tungkol sa magnitude 8 na lindol peke — NDRRMC
MANILA, Philippines — Inabisuhan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ang publiko tungkol sa umiikot na mga mensahe patungkol sa diumano'y paparating na magnitude 8 na lindol, bagay na 'di raw totoo.
"Nais naming ipahayag na ang mga nasabing text messages ay mga 'hoax' at walang katotohanan," sabi ng NDRRMC sa isang tweet.
— NDRRMC (@NDRRMC_OpCen) April 23, 2019
Katatapos lang kamakailan ng dalawang prominenteng lindol, una ang magnitude 6.1 na lindol mula sa Castillejos, Zambales nitong Lunes at ikalawa ang magnitude 6.5 na pagyanig mula sa San Julian, Eastern Samar.
Aniya, ang mga opisyal na anunsyo ng kanilang tanggapan ay ipinapadala lamang gamit ang account na "'NDRRMC' at hindi ng anumang numero."
Pinaalalahanan nila ang publiko na huwag magpadala sa mga "kahina-hinalang text messages" at iwasan mag-like, share o magpasa ng mga nasabing "pekeng mensahe."
"Gayunpaman, hinihinikayat ang lahat na maging alerto sa anumang banta ng sakuna o kalamidad," dagdag nila.
Ang NDRRMC ay responsable para pangalagaan ang kapakanan ng publiko tuwing may mga sakuna at emergency.
Pinangangasiwaan ito ng Office of Civil Defense sa ilalim ng Department of National Defense.
Maaaring magtungo sa opisyal na website ng NDRRMC at OCD para sa mga tamang impormasyon.
- Latest