FB sabay-sabay binalaan ang pages ng human rights advocates
MANILA, Philippines — Inireklamo ng ilang grupong nagtataguyod ng karapatang pantao ang nararanasang "censhorship" matapos sabay-sabay i-flag ng Facebook ayon sa ulat ng grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Martes.
Kabilang dito ang mga pahina ng "Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura," "Stop Killing Farmers" at "Free the Artist."
Bago magtanghali, pare-pareho raw nakatanggap ng notification ang mga nagpapatakbo ng pages dahil sa kanilang diumano'y "paglabag" ng Page Policies kaugnay ng "sharing, distributing" at pagpro-promote ng content "inauthentically."
Sa taya ng KMP, ang Armed Forces of the Philippines at ang kanilang "cybernetwork" ng trolls ay may kinalaman sa pagefa-flag sa mga pahina nila. Walang binigay na ebidensiya ang KMP sa paratang nito.
"In real life and online, they would red tag, malign and harass us only to cover up the rising human rights violations against farmers," sabi ng KMP sa isang statement.
(Sa totoong buhay hanggang online, nire-redtag, sinisiraan at ginigipit nila kami para pagtakpan ang papataas na bilang ng mga nilalabag na karapatan ng mga magsasaka.)
Sinasabing may pinagsama-samang 13,000 followers ang mga nasabing page.
Kilala ang Stop Killing Farmers page sa pagdodokumento ng pagpaslang sa mga magsasaka.
Aniya, tumaas daw ang followers ng pahina kamakailan matapos ipaskil ang mga kwento, litrato at video patungkol sa kontrobersyal na pagpaslang ng mga alagad ng batas sa 14 katao sa Negros Oriental.
Sa loob ng dalawang linggo, umani raw ng kalahating milyong page views, reach at engagement ang pahina at nadagdagan ng mahigit isang libong bagong followers.
Nakatuon naman ang pahina ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura sa mga ipinaglalaban ng mga manggagawang bukid habang ikinakampanya raw ng Free the Artist ang pagpapalaya sa cultural worker at Anakpawis party-list coordinator na si Alvin Fortaliza.
Sabi ni Nadja de Vera, miyembro ng UMA, layunin ng Facebook na bigyan ng kapangyarihan ang taumbayan na lumikha ng mga komunidad.
"We are using Facebook to propagate the issues and concerns of marginalized and underrepresented sectors in the Philippine society, particularly farmers who have less or no access at all to social media," sabi ni De Vera.
(Ginagamit namin ang Facebook para ipalaganap ang isyu ng mga aping sektor ng lipunang Pilipino, partikular ng mga magsasaka na kakaonti o wala man lang access sa social media.)
Dagdag niya, ikinalulungkot nila na pinagsasamantalahan ng mga troll at cyber attackers ang Community Standards and Policies ng FB laban sa mga "pumapanig sa katotohanan at katarungan."
'Hindi isolated na insidente'
Ayon sa KMP, hindi ito ang unang beses na ginamitan ng "cyber attacks" sa mga kritiko ng gobyerno.
Disyembre taong 2017, nakatikim din daw ng flagging ang orihinal na pahina ng KMP matapos magpaskil ng mga update patungkol sa diumano'y panggigipit laban sa mga magsasaka ng Marbai ng Lapanday Corp.
Simula noon, hindi na mag-access ang naturang page kung kaya't napilitan ang organisasyon na gumawa ng bagong page.
Hindi na rin daw maaaring mai-tag at ma-share sa nasabing social networking site ang dati nilang mga paskil.
Nitong mga nakaraang buwan, matatandaang inireklamo ang sistematikong distributed denial of service attacks laban sa mga alternative media outfits at websites ng mga progresibong grupo.
Ilan sa mga tinamaan nito ay ang Bulatlat, Altermidya at Kodao Productions.
"We call on Facebook Philippines to look into this matter. Facebook prides itself of having more than 40 million users in the Philippines and yet it allows 'censorship' of pages that advocates truth and justice," sabi ng KMP.
(Nananawagan kami sa Facebook Philippine na masilip ang nangyayari. Ipinagmamalaki ng Facebook ang pagkakaroon nila ng 40 milyong user sa Pilipinas habang hinahayaan ang pagbusal sa mga pahinang nagtataguyod ng katotohanan at katarungan.) – James Relativo
- Latest