Totoo ba? Senatorial survey na iprinesentang ni-layout ng News5 kumalat
MANILA, Philippines — Ikinakalat ngayon sa social media ang kahina-hinalang litrato ng diumano'y pre-election survey ng ilang Facebook groups na sumusuporta sa administrasyon.
Ipinaskil sa Facebook page na "DDS New York" at umani ng libong reactions, sinasabing isinagawa ito nitong ika-2 hanggang ika-4 ng Abril taong 2019.
Karamihan ng kandidatong nasa top 12 ay pawang supporter, kapartido o in-endorso ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ginamit ng litrato ang "Magdalo Para sa Pagbabago" bilang source at ginamitan ng News5 Digital logo sa ibabaw.
Walang basehan, gawa-gawa
Kung idadaan sa reverse image search ng Google ang litrato, hindi lalabas sa mga resulta ang Facebook page ng News5.
Sa panayam din ng PSN, sinabi ng isa sa layout artists ng News5 Digital na hindi sila gumagamit ng ganoong font style na may ganoong font color sa kanilang art cards.
Kung titignang maigi, halos kalahati sa mga diumano'y kabilang sa "Magic 12" ang hindi pa lumalapag doon ni minsan sa senatorial surveys ng Pulse Asia at Social Weather Stations.
Ilan sa kanila ay sina Atty. Larry Gadon, Willie Ong, Dong Mangudadatu, Rafael Alunan at Glenn Chong — na kataka-takang numero uno sa listahan.
Sa pinakahuling Pulse Asia survey na isinagawa ngayong Marso, lumalabas na nasa ika-35 pwesto lang si Chong sa voter preference.
Hindi rin naitala sa mga top candidates sina Gadon, Ong, Mangudadatu, Alunan at Chong sa pinakahuling SWS survey na isinagawa nitong ika-28 hanggang ika-31 ng Marso.
Kilala si Gadon sa pagkwestyon ng SWS at Pulse Asia pre-election voter preference surveys dahil hindi maganda ang kanyang standing sa mga ito.
Aniya, napakataas daw ng nakukuha niyang ranggo sa mga survey na isinasagawa sa social media.
Wala ring nabanggit sa post kung sino ang nagkondukta ng survey, kung gaano kalaki at sinu-sino ang sample size at margin of error ng pag-aaral.
Una nang sinabi ng SWS na magtiwala lang sa surveys na inilalabas sa mga lehitimong websites sa pahayag nila nitong ika-25 ng Marso.
"SWS also recognizes that with the coming May 2019 elections, many surveys on preferences for national and local positions are being conducted by various groups. Some of these groups are legitimate, while others are not," ayon sa SWS.
Binalaan din nila ang publiko sa pagpalo ng mga paskil na nag-aastang SWS survey kahit na hindi naman.
"SWS again reminds the public that false reportage about SWS surveys is very common in the period leading up to an election. Everyone is enjoined to rely only on the SWS website (www.sws.org.ph) for its advisories, announcements, and survey reports released to the public."
- Latest