^

Bansa

2 kabataang aktibistang 'dinukot' sa Bulacan ipinalilitaw

James Relativo - Philstar.com
2 kabataang aktibistang 'dinukot' sa Bulacan ipinalilitaw
Housing units sa Pandi, Bulacan na okupado ng Kadamay — lugar kung saan nakatira sina Arlegui at Remias.
The STAR/Paolo Romero, File

MANILA, Philippines — Ipinalilitaw ng iba't ibang grupo ang dalawang militanteng organisador matapos diumanong dukutin sa Bulacan noong Sabado ng umaga.

Ayon sa mga saksi, tinutukan ng baril at isinakay sa pulang kotse sina John Griefin Arlegui at Reynaldo Remias Jr. habang nagdidikit ng posters ng Bayan Muna at senatorial candidate Neri Colmenares sa kahabaan ng Angat-Pandi Highway.

Sinasabing walang plaka ang naturang sasakyan nang dukutin ang dalawa.

"Nalaman lang ang pag-kidnap sa dalawa pagkatapos matagpuan ng iba pang miyembro ng Kadamay ang sasakyan nila Arlegui at Remias na abandonado sa tabi ng highway subalit punong-puno pa ng mga poster at iba pang election materials," sabi ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap nitong Linggo.

Organisador ng Kadamay si Arlegui, 20-anyos, habang organisador naman ng Anakbayan si Remias, 24-anyos.

Inikot na raw ng mga kamag-anak ng dalawa ang bawat presinto sa Bulacan ngunit pare-pareho raw nitong sinabing wala sa kanila ang mga aktibista.

"Pinapanawagan namin na kagyat na ilitaw ang aming mga kasamahan. Walang sawa kaming kikilos at lalaban para masigurado na ang mga nasa likod ng pandurukot na ito ay mabulok sa kulungan," dagdag ng urban poor group.

Parehong residente ng "okupadong" housing units ng Kadamay sa Pandi ang dalawang kabataan.

Kinundena na rin ng grupong Anakbayan ang pagkawala ng kanilang miyembro.

Ayon kay Erlinda Cadapan, chairperson ng Desaparecidos, karuwagan daw ang ipinamalas ng gumagawa nito para magtanim ng takot sa dibdib ng mga lumalaban.

"Taking away people in broad daylight, in open spaces where they are seen by many people, is the same old, dirty tactic they have used against desaparecidos, our loved ones who went missing under previous regimes," ani Cadapan ngayong araw.

(Ang pagdukot ng mga tao sa gitna ng araw, sa mga lugar na kitang-kita ng mga tao, ay ang luma at maruming taktika na ginagamit laban sa mga desaparecidos, mga mahal namin sa buhay na biglang nawala noong mga nagdaang rehimen.)

Ina si Cadapan ni Sherlyn Cadapan, isang UP student na ipinadukot din noong 2006 sa Hagonoy, Bulacan ni retired Army general Jovito Palparan Jr., ayon sa Malolos court.

Sino ang may kasalanan?

Itinuturo ngayon ng Kadamay ang 48th Infantry Battalion ng Armed Forces of the Philippines bilang nasa likod ng diumano'y enforced dissappearance.

Pero hindi lang natatapos sa militar ang suspetya ng mga progresibong grupo.

"[President Rodrigo] Duterte’s hands are bloody with the cases of killings, illegal arrests and detention... and now, enforced disappearance. We demand that the desaparecidos under Duterte be surfaced," ani Cadapan.

(May bahid ng dugo ang kamay ni Duterte pagdating sa mga kaso ng pagpatay, iligal na pag-aresto at pagkukulong... at ngayon, sapilitang pagkawala. Iginigiit namin na mailabas ang mga desaparecidos sa ilalim ni Duterte.)

Matagal nang nakakakiskisan ni Duterte ang ligal na Kaliwa at kilusang lihim pagdating sa iba't ibang isyu at polisiya.

Wala pa namang pahayag ang gobyerno kaugnay ng mga paratang.

Ikinalungkot naman ng Bayan Muna at ni Colmenares ang sinapit ng kanilang supporters.

"We condemn this abduction of our campaigners. We suspect state agents to be behind it. They are the only ones with the motive and capability to do this, as they have done in the past," wika ni Colmenares.

(Kinukundena namin ang pagkuha sa mga nagkakampanya para sa amin. Sa tingin namin, ahente ng estado ang gumawa nito. Sila lang ang may motibo at kapasidad na gumawa nito tulad ng ginawa na nila noon.)

"We call on our uniformed personnel to disobey orders for them to abduct, intimidate, harrass or publicly vilify progressive and opposition candidates. Those are prohibited acts and not part of your job."

(Nananawagan kami sa mga unipormadong kawani na sumuway sa mga utos na sila'y mandukot, manakot, manggipit o manira ng imahe ng mga kandidatong progresibo't oposisyon. Ipinagbabawal 'yan at 'di bahagi ng inyong trabaho.)

Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, iligal na nangangampanya raw ang mga opisyal ng AFP gaya ni Brig. Gen. Antonio Parlade, deputy chief of staff for operations, laban sa mga progresibong party-list ngayong 2019 elections.

Ito'y kahit labag sa election laws at Section 261 (i) ng Omnibus Election Code ang pangangampanya ng government employees, kasama ang militar, tuwing panahon ng halalan.

"If Parlade has any proof of wrongdoing on our part, he should file the necessary complaints in the courts and not parade around town casting all sorts of intrigue and accusations," panapos ni Zarate.

(Kung may pruweba si Parlade na mayroon kaming ginagawang masama, dapat maghain siya ng reklamo sa korte, hindi mang-intriga at mag-akusa sa harap ng publiko.)

vuukle comment

ENFORCED DISAPPEARANCE

KADAMAY

MILITANTS

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with