Yaman ng 'narco-politicians' sinusuri na ng gobyerno
MANILA, Philippines — Isinulong na ng Presidential Anti-Corruption Commission ang pag-ungkat sa mga tagong yaman ng mga nasa listahan ng narco-politicians na kamakailan ay ibinunyag ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay PACC Chief Secretary Dante Jimenez, bubusisiin ng Anti-Money Laundering Council ang mga narco-politicians sa listahan ni Pangulong Duterte pati na mga kapatid, pamilya, kamag-anak at mga alipores nito.
Sapat na umanong dahilan ang validated narco-politicians list ng Presidente upang isagawa ang masusing imbestigasyon sa mga hindi maipaliwanag na kayamanan.
“Maging ang lahat ng bank accounts, records ng paglilipat ng mga pera sa abroad, mga investments sa mga kumpanya, maging ang bank accounts ng mga kapatid, kamag-anak, dummies, at mga galamay nila, pati mga ka-alyado sa pulitika, ay dadaan sa matalas na pagsusuri,” sabi ni Jimenez.
Hindi rin umano malayong mangyari ang pagsalakay ng mga awtoridad sa mga safehouses nila, kung saan nakatago ang mga pera, “dahil gawain ito ng mga sindikato na ayaw matunton ng mga awtoridad ang daloy ng mga ilegal na transaksyon nila”.
Ang AMLAC ay may karapatang suriin ang computer records ng lahat ng banko sa bansa upang masugpo ang paggamit ng mga salaping nanggaling sa krimen para pondohan ang paggawa ng mas malaki pang krimen, gaya ng terorismo o pagpapakalat ng droga.
Kabilang sa listahan ng narco-pols sina 1st District of Pangasinan Cong. Jesus Celeste; Pasuquin, Ilocos Norte Mayor Ferdinand Dancel Aguinaldo; Lasam, Cagayan Mayor Marjorie Apil Salazar; Subic, Zambales Mayor Jefferson Khonghun; Camiling, Tarlac Mayor Erlon Agustin at iba pa.
- Latest