‘Ako ang target sa narco video, ‘di ang Pangulo’ - Sara
MANILA, Philippines — Nagpahayag ng kanyang paniniwala si presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na siya ang aktuwal na target ng mga serye ng “Ang Totoong Narcolist” video kahit lumilitaw na idinidirekta ito sa Pangulo pero ang totoo ay siya ang sinisiraan nito.
Merong mga ispekulasyon na si Sara na tagapangulo ng Hugpong ng Pagbabago regional political party ay tatakbong president sa halalan sa 2022 pagbaba ng kanyang ama sa puwesto. Kasalukuyan siyang abala sa kampanya ng mga kandidatong senador ng administrasyon.
Pinuna ni Sara na ang mga idinadawit ng “Ang Totoong Narcolist” video ay mga taong merong kuneksyon sa kanya kabilang ang kuya niyang si Paolo, live in partner ng ama niya na si Honeylet Avancena at anak nitong si Kitty, isa niyang partner sa kanyang law firm, at kahit ang bayaw niyang si Waldo Manasas at, ayon pa sa kanya, maaaring isangkot din ng video ang asawa niya na isang abogado.
Idiniin ni Sara na ang video ay hindi tungkol sa Pangulo dahil maaari lang itong mapatalsik sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment.
Sinabi pa ng presidential daughter na hindi siya nababahala sa naturang video dahil alam ng mga mamamayan ang totoo at alam nilang mga kasinungalingan ang inilalako sa kanila.
Hinamon ni Sara ang mga nasa likod ng video na lumantad at magsampa ng kaso sa Ombudsman o korte at handa niyang harapin ang mga ito.
Samantala, pinalagan ng long-time partner ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Cielito ‘Honeylet’ Avancena ang “Ang Totoong Narcolist” na kumakalat sa social media at idinadawit siya at ang kanyang menor de edad na anak na si Veronica (kilala ring Kitty) sa umano’y mga tumatanggap ng suhol mula sa illegal drug syndicate.
Hinihinalang tinatarget ng “Ang Totoong Narcolist” ang mga miyembro ng pamilya ni Pangulong Duterte makaraan ang nauna niyang pagpapalabas ng listahan ng 46 na pulitiko na pinaniniwalaang sangkot sa kalakalan ng bawal na gamot.
“Sabihin ninyo sa kanila, tiyakin nilang nakakasiguro sila). Napakawalanghiya ko naman na nanay kung ipangalan ko sa anak ko,” sabi ni Avancena na nilinaw na hindi siya taong walanghiya na gagamitin niya ang pangalan ng kanyang anak sa iligal transaksiyon na mariin niyang itinatanggi.
Sa naturang video, isang nagngangalang “Bikoy” ang nagsasalaysay kung paanong ang pamilyang Duterte, kabilang ang pinakabunsong anak na babae ng Pangulo ay tumatanggap ng mga suhol mula sa mga drug syndicate at kahit sa pamamagitan ng mga banko sa Hong Kong.
Sinasabi naman ng Pangulo na ang oposisyon, particular ang masugid niyang kritiko na si Senador Antonio Trillanes IV ang nasa likod ng “Ang Totoong Narcolist” series of video.
Sinabi pa ng Pangulo na ang isyu na isinasangkot siya at pamilya niya sa kalakalan ng bawal na droga ay matagal nang ibinabato sa kanila at hanggang ngayon habang ipinapangako niya ang walang humpay na giyera laban sa iligal na droga sa natitirang tatlong taon ng kanyang panunungkulan.
- Latest